Nasawi ang isang 34- anyos na hauler service crew matapos na mabagsakan ng debris mula sa itaas ng isang ginagawang gusali, kamakalawa ng umaga sa Malate,Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si Joseph Zomil ,crew ng William Hauling Services at residente ng 36 Waling-Waling Street, Pingkian Village, Barangay Pasong Tamo, Quezon City, dahil sa mahabang hiwa sa kanyang ulo nang mabagsakan ng malaking tipak ng debris.
Ayon sa ulat ng Manila Police District-Police Station 9,naganap ang insidente alas- 9:45 ng umaga sa No. 2075 MH Del Pilar St., Barangay 701, Malate, Maynila.
Sinabi ni Jayson Castro, 2, 9 backhoe operator, na tinutulungan umano ng biktima ang mga kasama nitong si Mario Lenguaje at Joven Mar Nevar sa paglalagay ng debris sa kanilang truck nang may nalaglag na malaking tipak ng debris na tumama sa ulo ng biktima.
Ayon kay Norman Chan,trustee ng JQ International Construction Inc., subcontractor nila ang William Hauling Services na siyang nangangasiwa sa pagkuha ng mga debris.
Patuloy naman ang imbestigasyon ni PCMS Joseph Kabigting,ng Manila Police District -homicide section at Inaalam nila kung may naganap na kapabayaan sa naganap na insidente.