By: JANTZEN ALVIN
Naglabas ng desisyon ang Court of Appeals (CA) kung saan pinagtibay nito ang ‘murder conviction’ na una nang ipinataw ng mababang hukuman laban sa pitong umano’y Abu Sayyaf Group (ASG) members na isinasangkot sa pagpatay sa isang military asset noong Agosto 2007.
Ayon sa ruling ng CA 7th Division, ibinasura lamang nito ang apela ng mga akusadong sina Omar Jakarin Ibno, Hiya Arabain Hapipuddin, Muadzi Aisal Jala, Najer Daud, Omar Panagas, Jemar Malpa at Ibrahim Misuari laban sa desisyon ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 266, na ibinaba noong taong 2019 at nagpapataw sa kanila ng parusang ‘reclusion perpetua.’
Binago rin ng CA ang naturang desisyon at itinaas sa parusang ‘reclusion perpetua without eligibility for parole,’ habang ang civil liabilities naman na ipinataw ng mababang hukuman laban sa mga akusado ay itinaas rin ng CA at ginawang P350,000 para sa moral, exemplary at temperate damages, mula sa P275,000 lamang.
“Hence, the accused- appellants must remain in prison for the rest of their lives unless age or sincere remorse unfastens their bonds,” anang 26-pahinang desisyon ng CA 7th Division na na-promulgate noong Marso 20, 2024 at iniakda ni Associate Justice Eduardo Ramos, Jr.
Batay sa rekord ng hukuman, lumilitaw na naganap ang insidente noong Agosto 2007 habang sakay umano ang mga akusado at ang biktima ng isang bangka patungong Sarong, Bataraza, sa Palawan.
Itinigil umano ng mga ito ang bangka sa Tagbila Island at saka isinagawa ang pamamaril at pagpatay sa biktimang si Jemar Bairulla, matapos na matuklasan na isa itong military asset.
Natagpuang palutang-lutang sa karagatan ang bangkay ng biktima kalaunan.
Pinabulaanan ng mga akusado ang akusasyon laban sa kanila at kinuwestiyon rin nila ang kredibilidad ng testigo ng pamahalaan, na isang pump boat operator na inupahan ng grupo upang dalhin ang biktima sa naturang isolated na lugar.
Ikinaila rin nila ang akusasyon na sila ay mga miyembro ng ASG at sinabing karamihan sa kanila ay nag-aaral lamang ng Islamic religion at Arabic, kasama ang biktima sa Al Farouq Institute sa Puerto Princesa City.
Minaltrato umano sila ng mga awtoridad at puwersahang pinapirma ng extra-judicial confessions.
Sa kabila niyan, pinaburan ng CA ang desisyon ng mababang hukuman na nagsasabing ‘credible’ ang testigo ng prosekusyon at pawang self-serving lamang ang mga pahayag ng mga akusado dahil na rin sa kawalan nila ng ebidensiya.
Inihayag pa ng CA na malakas ang ebidensiya ng prosekusyon upang idiin sa kaso ang mga akusado.
Bukod dito, bigo rin umano ang mga akusado na pabulaanan ang mga ebidensiyang iprinisinta ng prosekusyon.














