Matapos ang pitong taong paglilitis ay ilalabas na ng Manila Regional Trial Court,Branch 11 ngayong Oktubre 1, 2024 ang hatol nito sa kaso ng hazing victim na si UST law freshman Horacio “Atio” Castillo III.
Itinakda ng alas-2 ng hapon ang paglalabas ng desisyon ni Manila Regional Trial Court Branch 11 Judge Shirley Magsipoc-Pagalilauan sa mga akusadong sina Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo at Marcelino Bagtang na pawang miyembro ng Aegis Juris fraternity.
Napag-alaman na ang 10 akusado ay kinasuhan ng paglabag sa anti-hazing law o RA 8049.
Matatandaan na si Castillo ay isang UST freshman nang masawi sa hazing noong Setyembre 17, 2017.
Tumayong state witness ang Aegis member na si Anthony Ventura laban sa mga akusado, matapos na mapatunayang siya ang pinaka- hindi “guilty” sa naturang kaso.
Una riyan ay ibinasura ng Court of Appeals (CA) at Regional Trial Court ang mga mosyon ng mga akusado na humihiling na makapag-piyansa at maibasura ang kaso dahil sa kakulangan ng merito diumano.