INARESTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Hapones at tatlo pang indibidwal dahil sa pagkakasangkot sa ‘sex trafficking’ sa mga kabataang Pilipina sa mga dayuhang kustomer sa isang beerhouse sa Pasay City.
Kinilala ni NBI Officer-in-charge Director Eric Distor ang mga nadakip na sina Hiroshi Akiba, alyas “Hiro”, manager ng International King and Queen Manila; mga tauhan niyang sina Mary Jane Santos, alyas Yuki; Jeanette Gonzales, alyas Cherry; at Erlinda Merillo, alyas Linda.
Sa ulat na inilabas kahapon ng NBI-Public Information Office, nagkasa ng operasyon ang NBI-International Operations Division nitong Pebrero 2 sa naturang beerhouse sa Pasay dahil sa ulat ng lantarang prostitusyon na mga dayuhan ang mga kliyente.
Nagpanggap na kustomer ang mga asset ng NBI na nagawang makatransaksyon ang suspek na si “Linda” na nagbigay sa kanila ng dalawang babae. Nang tanungin kung ano pang serbisyo ang ibinibigay ng mga babae, sinabi ni Linda na nagbibigay rin sila ng serbisyong sekswal sa halagang P3,500 na ginagawa sa VIP rooms ng club.
Makaraang iabot ang marked money kay Linda, dito na nilusob ng mga operatiba ang loob ng club at inaresto ang apat na suspek. Nasa 55 babae rin ang nailigtas ng NBI sa operasyon.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9208 o Anti Trafficking in Persons Act of 2003 ang mga naaresto sa Pasay City Prosecutors office.