NOONG buwan ng Disyembre, ipinakita ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na ang buong puwersa ng kanyang administrasyon ay handang magbigay ng suporta at tulong sa administrasyon ni Mayor Honey Lacuna sa dami ng kinakaharap nitong problema, lalupa sa gitna ng binubuno nitong P17.8 bilyong utang na iniwan ng kanyang pinalitang mayor.
Natutuwang ibinalita ni Re Fugoso, ang ubod ng sipag na hepe ng department of social welfare ng lungsod, na tatlong beses nang nag-personal appearance mismo si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. o PBBM upang personal na maghatid ng biyaya sa mga nasasakupan nina Mayor Honey at Vice Mayor Yul Servo.
Noong Disyembre 1, sinamahan ni PBBM si Mayora Honey at VM Yul sa pamimigay ng mga regalong Pamasko sa mga bata at matandang kinakalinga ng Manila DSW sa Boys’ Town Complex sa Marikina. Damay din sa biyaya ang mga mag-aaral at kawani ng Valeriano E. Fugoso Memorial School na nasa loob mismo ng nasabing complex.
Isang araw matapos niyan ay magkasama muli sina PBBM at Mayora Honey sa pagbibigay naman ng tulong sa mahigit 2,100 pamilyang nawalan ng tirahan sa sunog na naganap sa Isla Puting Bato sa Tondo.
‘Yan ay sinundan nitong kamakailan lamang nang muling magkasama sina PBBM at Mayora Honey sa pamamahagi naman ng tig-dalawang kilo ng frozen mackerel para sa mga residente ng Baseco at Tondo.
Bukod pa ‘yan sa mga pamamahagi sa mga mag-aaral ng gamit na pinangungunahan naman ni First Lady Liza Marcos, kasama pa rin sina Mayora Honey at VM Servo.
Ayon sa malalapit kay PBBM, buo ang kanilang tiwala kay Mayora Honey bilang siyang tanging mapagkakatiwalaang mamuno sa Maynila na kabisera ng Pilipinas at tahanan ng Malakanyang na tinatawag na ‘seat of power.’
Kaya naman buo rin ang suportang ibinibigay nila kay Mayor Honey dahil alam daw nila na hindi ito corrupt at walang bahid ng korapsyon ang kanyang maraming taon nang paglilingkod sa Maynila sa
iba-ibang kapasidad.
Hindi rin daw lingid sa kaalaman ni PBBM ang pinansiyal na sitwasyon ng Maynila na nasasadlak ngayon sa P17.8 bilyong utang na iniwan ni ex-Mayor Isko Moreno, kaya alam nilang kailangang-kailagan ng mga taga-lungsod ang tulong.
Buwan-buwan ay umaabot ng P100 milyon ang nababawas sa kita ng administrasyon ni Mayor Honey dahil sa patuloy niyang pagbabayad ng utang na ipinamana ni Isko sa kanya.
Nakakapanghinayang dahil ang malaking halagang napupunta sa bayad utang buwan-buwan ay maaari sanang gamitin para sa mas mataas na buwanang ayuda para sa mga senior citizens, solo parents, PWDs at mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ng lungsod-Maynila.
Ang walang tigil na suportang ibinibigay ni PBBM, First Lady at maging ni House Speaker Martin
Romualdez sa pamunuan ni Mayor Honey ay matibay na indikasyon na ito ang pinagkakatiwalaan nilang magpapatakbo nang maayos sa lungsod sa mga susunod pang taon.
Masuwerte ang mga taga-Maynila dahil hanggat si Mayor Honey ang nakaupong mayor ay nakakasiguro na sila ng tulong ng national government sa abot ng makakaya nito, sa tuwing kailangan nila ng tulong.
Nariyan din ang lima sa anim na Congressman at nagbabalik na first district Congressman Manny Lopez na pawang handa ring tumulong sa mga pangangailangan ng Maynila na hindi kakayanin ng pondo dahil nga sa laki ng utang na binabayaran buwan-buwan.
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.