Latest News

Ang 'Tulong sa Naulila' program ni Mayor Honey Lacuna ay nakapagbigay na ng pinansiyal na tulong sa mahigit 5,900 pamilya sa lungsod ng Maynila.

HALOS 6,000 PAMILYANG NAMATAYAN, TUMANGGAP NG TULONG PINANSIYAL SA MAYNILA

By: Jerry S. Tan

NASA halos 6,000 pamilya na ang napagkalooban ng monetary death benefits ng lokal na pamahalaan ng Maynila, sa ilalim ng ‘Tulong para sa Naulila’ program ni Manila Mayor Honey Lacuna.

Napag-alaman na sa ngayon ay nasa mahigit 5,900 pamilya na ang napagkalooban ng tig-P3,000 monetary death benefits ng pamahalaang-lokal matapos na mamatayan ng mahal sa buhay.

Ayon kay Lacuna, noong 2024 pa lamang ay nabigyan na ng pamahalaang-lokal ang mga naulilang pamilya ng cash na umaabot sa P17.7 milyon.


Kaugnay nito, tiniyak naman ng alkalde na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang naturang programa.

“Makaaasa po kayo na magtutuloy-tuloy ang pamimigay natin ng P3,000 na death benefit assistance para sa mga Manilenyo na nangangailangan ng karamay,” ani Lacuna.


“Hindi man kalakihan ang naturang tulong pinansyal na aming ibinibigay, ito naman ay ang munting pagpapadama ng simpatiya ng ating administrasyon sa mga Manilenyo na nawalan ng mahal sa buhay at upang ipakita sa kanila na hindi sila nag-iisa sa panahon ng pagdadalamhati,” dagdag pa ng alkalde.

Kaugnay nito ay ipinahayag ni Lacuna na ginagawa ng pamahalaang-lokal ang lahat ng makakaya nito upang makapamuhay nang mas mahaba at walang sakit ang mga Manilenyo.


Muli ay nanawagan ito sa mga residente na samantalahin ang libreng primary health care services sa 44 health centers ng lungsod, na nakakalat sa anim na distrito ng Maynila.

Ani Lacuna, ang mga naturang health centers ay nag-aalok pa ngayon ng mga karagdagang bagong serbisyo, maliban pa sa karaniwang health services na libre ding ibinibigay sa mga residente.

Kabilang dito ang clinical laboratories, ECG at ultrasound para sa mga buntis, bukod pa sa libreng gamot para sa maintenance tulad ng metformin, losartan, Atorvastatin at iba pa.

“Prevention is always better than cure. Tangkilikin ninyo ang ating mga health centers. ‘Wag na po kayong makipagsiksikan sa ospital, kng matutugunan ng health center ang inyong problema. Sila po ang magsasabi kung kailangang sa ospital kayo magpunta,” pahayag ni Lacuna, na isa ring doktor.

Binigyang-diin din ng alkalde na mahalagang bumibisita sa mga health centers at samantalahin ang mga libreng check-up upang makaiwas na magkaroon ng malalang karamdaman.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read