Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na bibisitahin ng poll body ang lalawigan ng Abra matapos na umurong sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang halos 250 kandidato doon.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes, sinabi ni Garcia na nakatakdang magtungo sa lalawigan sina Executive Director Teofisto Elnas Jr. at Deputy Executive Director for Operations Rafael Olaño upang alamin ang sitwasyon doon.
Ayon kay Garcia, nais nilang malaman kung ano ang tunay na nangyayari at pangyayari sa Abra.
Sa report kasi aniya sa kanila ng regional director nitong Lunes, kasama mismo si chief PNP (Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda Jr.), na wala namang pananakot na nagaganap at ang pagwi-withdraw ng mga naturang kandidato ay dahil sa pakiusap ng mga nakatatanda nila.
“Gusto nating alamin ano ang tunay na nangyayari at pangyayari d’yan sa Abra sapagkat ang report sa atin kahapon ng regional director kasama mismo si chief PNP, na wala namang pananakot,” pahayag pa ng poll chief. “Ang pagwi-withdraw ng almost 250 candidates ay dahil sa pakiusap ng mga nakatatanda nila or elders na tinatawag.”
Matatandaang noong Oktubre 18, nakatanggap na rin ng ulat ang Comelec na isang kandidato sa pagka-barangay councilor sa Bucay, Abra ang namatay dahil sa pamamaril.