By: Itchie G. Cabayan
PANSAMANTALA munang itinigil ang pagpapatupad ng local ordinance na nagbabawal sa pagiging ‘half-naked’ o nakahubad nang pang-itaas sa mga lansangan sa Maynila
Ayon kay Manila Police District (MPD) spokesman Police Major Philipp Ines, partikular na sinuspindi ang pagbabawal sa mga nakahubad ng pang-itaas sa mga kalye, na kadalasan ay gawain ng mga kalalakihan.
“In this regard, effective immediately, all operating units and personnel involved in Oplan Galugad and other anti-criminality operations shall refrain from taking punitive actions,” ayon sa atas ng MPD.
Sa halip, ani Ines, lahat ng MPD personnel ay inatasan na maglabas ng babala at magsagawa ng information dissemination campaign ukol sa tamang kasuotan kapag nasa pampublikong lugar gaya ng kalsada.
“This measure aims to uphold public trust and ensure humane and compassionate policing across all areas,” dagdag pa ni Ines.
Aniya, binigyang konsiderasyon sa suspension ng implementasyon ng ordinansa ang “anti-poor” impact nito sa publiko.
Gayunman, ang curfew ordinance sa mga menor de edad, videoke sessions matapos ang 10 p.m., gayundin ang pag-iinuman at paninigarilyo sa mga lansangan ay mahigpit pa din umanong ipinatutupad sa lungsod.














