Ni JANTZEN TAN
Tuloy pa rin ang pagdaraos ng halalan sa mga lugar na apektado ng pagputok ng bulkang Bulusan nitong Lunes.
Ito ay tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, na nagsabing maaari silang maglagay ng satellite voting centers sa mga naturang lugar upang masigurong hindi maaantala ang halalan.
“Parang gagawin natin sa Mt. Kanlaon na kung may mga kababayan tayo na madi-displace sa kanilang mga tirahan na kung saan magkakaroon ng satellite voting centers o offsite voting centers, gagawin din natin yan kung talagang kakailanganin dito sa Bulusan,” ani Garcia.
Nauna rito ay itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 1 ang Bulusan Volcano, kasunod ng naobserbahang phreatic eruption nitong Lunes ng umaga.
“The readiness of Sorsogon for the conduct of the elections has not been disrupted so far by the recent activity of Mt. Bulusan. The volcanic activity was limited to ashfall,” ayon kay Garcia.
“The election officers (EOs) of municipalities sorrounding the foot of Mt. Bulusan-Irosin, Juban and Bulusan-reported no forced evacuation or use of any voting center as evacuation sites,” dagdag pa nito.
Binigyan rin umano ng atasang mga concerned EOs na masusing makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd), local government units at Philvocs para sa pormulasyon ng election-related contingency plan sakaling lumala ang aktibidad ng bulkan.
Samantala, tiniyak naman ni Garcia na wala pa silang nakikitang elemento na maaaring magresulta sa pagkaantala ng eleksiyon sa Mayo 12, 2025.