ni Jantzen Tan
PATAY ang isang 46-anyos na security guard nang makipagputukan sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) habang nakatakas naman ang kaniyang kasama sa motorsiklo, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Ernesto Onora, security guard, residente ng 138 3rd St., Tenejero, Candaba, Pampanga habang nakatakas naman ang di pa kilalang lalaki na inilarawang nakasuot ng kulay green na t-shirt, kasamahan ng suspek sa tangkang panghoholdap umano sa 7-11 convenience store.
Sa ulat ng MPD-Homicide Section, dakong alas 9:30 ng gabi ng Biyernes (Pebrero 11) nang maganap ang insidente sa San Marcelino St., harapanng Adamson University, at malapit lamang sa MPD headquarters, sa Ermita, Maynila.
Sa imbestigasyon nina P/SMS Jorlan Taluban at P/CMS Joseph Kabigting, inabutan nila sa crime scene si Theft and Robbery Section chief, P/Lt. Ramel Lucero at mga tauhan nito habang nakahandusay ang suspek na si Onora. na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Narekober mula s crime scene ang isang 9mm RIA na may serial number RIA 2039018 , magazne na may 4 na bala at
isang 357 Smith and Wesson na may 6 na bala, isang extra magazine na may 8 bala, iba’t-ibang identification cards, assorted na mga susi, isang Honda Bear motorcycle.
Una dito, may informer na nagtungo sa Theft and Robbery Section hinggil sa presensiya ng dalawang indibidwal na sangkot diumano sa serye ng robbery sa convenience store.
Agad namang inatasan ni Criminal Investigation Section chief, P/Major Rommel Anicete, na puntahan ang erya na agad namataan ng tipster na nasa tapat ng 7-11 store ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Nakatunog umano ang dalawa kaya biglang humarurot patakas subalit nabangga sa gutter na ikinabagsak nila. Bago pa malapitan ng mga operatiba ay nagpaputok si Onora sa direksyon ng mga pulis na nauwi sa palitan ng mga putok.
Nang humupa ay nakitang bagsak at di na gumagalaw si Onora habang wala na ang kasama nito.
Sa impormasyon, ang napatay ay guwardiya umano sa lalawigan ng Bulacan at nakatira sa lalawigan ng Pampanga.
Kabilang din sa nakalap na impormasyon ng mga awtoridad na sangkot ang suspek sa serye ng holdapan sa convenience store na patuloy pang iniimbestigahan.