Kinumpirma ng Antipolo City Police na hindi na nila sasampahan ng kasong homicide ang guro ng Penafrancia Elementary School sa Antipolo City, matapos na masawi ang kanyang estudyante, 11-araw matapos umano niya itong sampalin sa loob ng silid-aralan noong nakaraang buwan.
Ito’y matapos na lumitaw sa isinagawang pagsusuri ng mga forensic experts na walang kinalaman o hindi konektado ang ginawang pananampal ng guro, sa pagkamatay ng Grade 5 student na si Francis Jay Gumikib, 14.
Nabatid na ipinaliwanag na rin naman ng mga eksperto sa pamilya ni Gumikib ang resulta ng ginawa nilang pagsusuri sa mga labi ng binatilyo.
Ayon sa PNP Forensic Group, isang rare condition ang dahilan kaya nagdugo ang utak ng binatilyo na nagresulta sa kaniyang pagpanaw.
Base sa resulta ng awtopsiya, pagputok ng ugat, at pamamaga at pagdurugo sa utak ang ikinamatay ng bata.
Sa kabila naman nito, ikinukonsidera pa rin umano ng mga otoridad na sampahan ang guro ng kasong child abuse dahil sa ginawang pananakit sa kanyang estudyante.