Gurong akusado sa pananampal sa estudyanteng namatay, pinag-leave of absence, di suspendido

By: Jaymel Manuel

Inihayag ng Department of Education (DepEd) na pinag-leave of absence muna ang isang gradeschool teacher na inakusahang nanampal sa kanyang estudyante, na kalaunan ay binawian ng buhay sa pagamutan matapos ma-comatose.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Bringas, ito’y habang isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon hinggil sa insidente ang guro ng Peñafrancia Spring Valley Elementary School, na matatagpuan sa Barangay Cupang, Antipolo City.

“Hindi muna siya papapasukin because this is a case of child abuse or grave misconduct. Hindi siya papapasukin dahil kailangang ihiwalay siya doon sa lugar kung saan nangyari ‘yung insidente,” pahayag ni Bringas sa interview sa radyo.


Paglilinaw naman ni Bringas, sa ngayon ay hindi pa nila maaaring isailalim ang guro sa preventive suspension dahil wala pang pormal na kaso na naisasampa laban dito.

Aniya, maaari namang maisampa ang kaso sakaling may makitang sapat na ebidensiya laban sa kanya sa isinasagawang DepEd fact-finding investigation.


“The teacher is now on leave but not under preventive suspension, In the pendency of the administrative proceedings that have started already, ang ating magagawa lang ng department is to go through this process para malaman natin kung ano ang nangyari,” pahayag nito.

Kaugnay nito, muli ring nagpaalala si Bringas na ang mga guro ay mahigpit na pinagbabawalan na saktan o patawan ng corporal punishment ang kanilang mga estudyante.


Aniya, maaaring masampahan ng kasong dismissal ang guro kung mapapatunayang nakagawa siya ng grave misconduct.

Sinabi naman ng Antipolo City Police na maaaring sampahan ang guro sa piskalya ng kasong homicide in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Una nang sinabi ng ina ng biktimang si Francis Jay Gumikib, 14, Grade 5 student, na noong Setyembre 20 ay sinampal umano ng guro ang anak matapos na isumbong ang kanyang maiingay na mga kaklase.

Sumakit umano ang tenga ng bata at parang nabingi dahil sa lakas ng sampal, ngunit nagawa pa nitong makapasok ng tatlong araw.

Noong Setyembre 26, hindi na umano makayanan ng bata ang matinding pananakit ng ulo kaya’t isinugod na ito sa pagamutan ngunit na-comatose at malaunan ay binawian ng buhay noong Oktubre 2 ng umaga.

Anang ginang, nagkaroon umano ng pagdurugo sa utak na posibleng ikinamatay ng anak.

Samantala, mariin namang pinabulaanan ng guro ang akusasyon ng pananampal laban sa kanya.

Tags: Department of Education (DepEd)

You May Also Like

Most Read