Gumuho ang mga Kasinungalingan, Nanaig ang Katotohanan — Goitia

By: Jaymel Manuel

Ang mga kumalat na maling balita tungkol sa kalusugan, pati na ang umano’y pagkamatay ni Presidente Bongbong Marcos, Jr., ay tuluyan nang napatunayan na walang katotohanan.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, nagsimula ito bilang simpleng usap-usapan sa social media, ngunit mabilis na nauwi sa seryosong kampanya ng disimpormasyon at ngayon, malinaw na ang katotohanan at hindi na ito maikakaila.


Nakita mismo ang Pangulo sa paggunita ng Araw ng Kagitingan, aktibo at ginagampanan ang kanyang tungkulin, at napatunayan din na ang mga kumalat na larawan at video ay kuha noong mismong araw na iyon, hindi lumang materyal.

Hindi lamang ito pinabulaanan ng Pangulo, ipinakita pa niya ang katotohanan nang sa harap ng media, siya ay nag-ehersisyo at tumakbo sa loob ng Malacañang.

“Ito ba ang sinasabing “patay” o “may sakit”? Dito pa lamang, wasak na ang kasinungalingan. Sa puntong ito, malinaw nang hindi na kayang panindigan ang kasinungalingan. Hindi na maitatanggi ang katotohanan. Ang mga patuloy na nagpapakalat ng maling impormasyon ay hindi na basta nagkakamali. Sinasadya nilang iligaw ang publiko at dapat silang managot,” ani Goitia.


Mas nakababahala umano ang ganitong padron ng disimpormasyon dahil hindi ito nagkataon lamang. May malinaw na layunin na guluhin ang publiko, paghiwalayin ang bansa, at ilihis ang atensyon mula sa mahahalagang isyu.

“Sa kabila nito, nananatiling kalmado at determinado ang Pangulo. Habang ang iba ay nagpapakalat ng maling balita, patuloy siyang kumikilos upang tugunan ang mga suliranin ng bansa, kabilang ang pagresponde sa krisis sa langis sa pamamagitan ng pagsuspinde ng excise tax sa LPG at kerosene. Dito makikita ang malinaw na kaibahan. May mga nagkakalat ng kaguluhan, at may mga seryosong nagtatrabaho para sa bayan,” pahayag pa ni Goitia.




Binigyang-diin pa nito na hindi ito simpleng fake news, at ang pagpapakalat ng kasinungalingan tungkol sa pagkamatay ng isang nakaupong Pangulo ay isang seryosong panlilinlang na nagdudulot ng kaguluhan, sumisira sa tiwala ng publiko at nagpapahina sa estado, na may katapat na pananagutan sa batas.

Aniya, ang sinumang sadyang nagpapakalat ng ganitong uri ng maling impormasyon ay dapat managot sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act at ng Revised Penal Code.


Dagdag pa ni Chairman Goitia: “Tama na. Hindi maaaring ituring na malayang pananalita ang fake news kung ito ay ginagamit upang manlinlang at magdulot ng kaguluhan. Kailangang managot ang mga nasa likod nito. Huwag basta magpapaniwala o magpapagamit. Suriin muna ang impormasyon bago ibahagi, at manindigan laban sa mga nagpapalaganap ng pagkakahati at panlilinlang.”

“Simple lang ang katotohanan. Buhay ang Pangulo, aktibo, at patuloy na naglilingkod sa bayan. Nawasak na ang mga kasinungalingan. Sa huli, ang katotohanan, malinaw at nakikita ng lahat, ang siyang nagtagumpay,” pagtatapos pa nito.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY).



Tags: Dr. Jose Antonio Goitia

You May Also Like