IKINAGAGALAK ng pamunuan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang makasaysayang hatol ng hukuman sa Western Visayas, matapos na mapatunayang nagkasala ang isang opisyal ng CPP-NPA-NDF na sangkot sa pangongotong upang mapondohan ang komunistang kilusan at kanilang armadong pakikibaka.
Ayon kay Undersecretary Ernesto C. Torres, Jr., executive director ng NTF-ELCAC, ang hatol ng Western Visaya RTC ay isang napakahalagang tagumpay ng pamahalaan laban sa terorismo.
“Ito ay isang landmark conviction, na may matibay na mensahe na ang paglilikom ng pondo para sa terorismo ay walang puwang sa ating lipunan. Ito rin ay pagpapakita na lahat ng Filipino ay tinututukan ang lahat ng uri ng panggugulo sa kapayapaan at kasiguruhan ng bansa,” ani Torres.
Nabatid na September 2, 2024, nang ibaba ng Regional Trial Court Branch 2 ng Kalibo, Aklan ang hatol nito laban kay Ian Arevallo y Inson, alias “Prince Egodas y Giganto,” “Mac-Mac,” at “Brince Gegodas y Gilbaliga,” na umaming kasapakat siya sa ‘terror financing scheme ng CPP-NDF-NPA.
Si Arevallo ay kumpirmadong kasapi ng Komiteng Rehiyon Panay at pinuno ng “taxation unit,” na responsable sa pangingikil ng pondo sa mga negosyante, contractors at mga politiko sa Panay Island at iba pang bahagi ng Western Visayas.
Nahuli si Arevallo sa isang entrapment operation sa Makato, Aklan at habang nakakulong ay umamin siyang kasama sa panloloko at pangingikil na gawain ng CPP-NPA-NDF.
“Ang hatol ay pagpapatunay sa isang matibay at patas nating justice system. Binabalaan nito na ang sinomang mapatunayang may kaugnayan sa mga terrorist activities’ ay mananagot sa batas,” pahayag pa ng opisyal.
Pinuri rin ni Torres ang Police Regional Office 6 (PRO6) sa dedikasyong labanan ang terorismo sa kanilang nasasakupan.
“The success of this operation, executed in partnership with the Special Task Group on Countering Communist Terrorist Group – Resource Generation and the Joint Focus Legal Action Team 6, alongside the National Prosecution Service, is a triumph not just for law enforcement, but for every Filipino committed to peace and security,” paliwanag ng kalihim.
“This legal victory strengthens our resolve to continue our campaign against all threats to peace and order. The NTF-ELCAC remains resolute in its mission to end the communist insurgency and ensure that justice prevails for all Filipinos,” dagdag pa ni Torres.
Sinabi pa ng opisyal na ang NTF-ELCAC ay patuloy na paiiralin at susuportahan ang ‘rule of law’ at pagbuwag sa lahat ng uri ng terroristic activities sa bansa hanggang sa tuluyang madurog ang kilusan.