Guilty ang naging hatol ng mababang hukuman sa 10 fraternity members na akusado sa pagkamatay ni University of Santo Tomas (UST) law freshman na si Horacio “Atio” Castillo III dahil sa ‘hazing,’ may pitong taon nang nakararaan.
Batay sa desisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 11 nitong Martes, pinatawan ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkabilanggo ang mga akusadong sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo at Marcelino Bagtang Jr. dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Law of 1995.
Inatasan din ng korte ang bawat isa sa kanila na magbayad sa mga naulila ni Castillo ng P461,800 na actual expenses, P75,000 na civil indemnity, P75,000 na moral damages, at P75,000 na exemplary damages.
“All the amounts shall earn interest at the rate of 6% per annum upon finality of the decision until fully paid,” ayon pa sa korte.
Matatandaan na noong Setyembre 17, 2017 ay nasawi si Atio matapos na isailalim sa initiation rites ng mga akusado, na pawang miyembro ng Aegis Juris fraternity.
Bagama’t naisugod pa sa Chinese General Hospital si Atio, idineklara na rin itong patay ng mga doktor.
Base sa records ay tinangka pang pagtakpan ng mga akusado ang krimen ngunit nabuking rin ito, matapos magsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad.
Noong Mayo 2018 ay nakulong ang mga akusado sa Manila City Jail, matapos na iutos ng korte ang pag-aresto sa kanila.
Ang unang hinatulan ng korte noong 2019, kung saan napatunayang ‘guilty’ sa kasong obstruction of justice, ay si John Paul Solano, na siyang nagdala Kay Atio sa Chinese General Hospital.
Si Solano ay pinatawan ng dalawa hanggang apat na taong pagkabilanggo ng Manila Metropolitan Court Branch 14.
Ayon sa imbestigasyon, Si Castillo ay nasawi dahil sa “severe blunt traumatic injuries” na kanyang tinamo sa katawan.