GUIDED MISSILE FRIGATE NG PHILIPPINE NAVY, PATUNGONG HAWAII

NAGSIMULA nang maglayag ang guided missile frigate ng Philippine Navy patungong Hawaii para sumabak sa gaganaping Rim of the Pacific (RIMPAC) Exercise, pinakamalaking naval war games na pinangungunahan ng United States.

Kinumpirma ni Navy Public Information Office chief , Commander Benjo Negranza na umalis ang BRP Antonio Luna (FF-151) mula Naval Operating Base sa Subic, Zambales bandang 10:30 ng umaga nitong Miyerkules kasunod ng send off ceremony na pinangunahan mismo ni Navy Flag Officer in Command (FOIC) Vice Admiral Adeluis Bordado.


Ayon kay Navy spokesman Cdr. Benjo Negranza, sakaling magiging maganda ang panahon, inaasahang darating ang frigate sa Hawaii tatlong araw bago magsimula ang maritime exercise sa June 29, with stopover in Guam for refueling.

Nabatid na ito na ang ikatlong pagkakataon na sumali ang Philippine Navy sa U.S Navy hosted biennial exercise na magtatapos sa August 4.

Kabilang sa mga barko ng Pilipinas na sumabak na sa RIMPAC ang landing dock BRP Davao del Sur LD 602 , patrol vessel BRP Andres Bonifacio, At BRP Jose Rizal mula 2018.


“It is also part of our commitment to our allied navies for regional cooperation and also to gain best practices. It’s also for naval diplomacy,” dagdag pa ng Navy spokesman.

Nabatid na aabot sa 26 bansa ang sasali sa 2022 RIMPAC , bukod sa US at Pilipinas ay kasali rin ang mga hukbong dagat ng Australia, Brunei, Canada, Chile, Colombia, Denmark, Ecuador, France, Germany, India, Indonesia, Israel, Japan, Malaysia, Mexico, Netherlands, New Zealand, Peru, Republic of Korea, Singapore, Sri Lanka, Thailand, Tonga, at United Kingdom.


Sangkot sa gaganapin biggest maritime drill ang 38 barkong pandigma, apat na submarines, 170 aircraft at mahigit sa 25,000 naval personnel.

Ayon pa kay Negranza ang BRP Antonio Luna sakay ang may 150 sundalo na kabilang Naval Task Group 80.5 ay sasali sa shipboard training at humanitarian assistance and disaster response training, bukod sa iba pang naval exercises na ilalatag sa RIMPAC .


“ Philippine Navy is participating in the US-led training “for regional stability,” ani Negranza. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: Rim of the Pacific (RIMPAC) Exercise

You May Also Like