Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo bago ang groundbreaking ng bagong Ospital ng Tondo na itinatayo sa tulong ni (kanan ni Lacuna) Congressman Rolan Valeriano (2nd district). Nasa likuran nila ang mga kandidato nila para Konsehal ng 2nd district habang nasa kanan naman si City Engineer Moises Alcantara.

GROUNDBREAKING NG BAGO AT MODERNONG OSTON PARA SA TONDO RESIDENTS, PINANGUNAHAN NI MAYOR HONEY, VM YUL AT REP. CRV

By: Jerry S. Tan

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano (2nd district) ang groundbreaking ng itatayong “Bagong Ospital ng Tondo (OsTon)” na magbibigay sa mga residente ng Tondo ng modernong gusali na mas may malaking pasilidad, malawak na health care access at mas maraming iba’t-ibang uri ng serbisyo- medikal lalo na ‘yung mga may kaugnayan sa maternal at child health, emergency at surgical care.

Ayon kay Lacuna, mapapalitan na ng bago at modernong walong palapag na pagamutan ang lumang OsTon na tatlong dekada na at tatlong palapag lamang, sa tulong ng tanggapan ni Congressman Valeriano, na pinuri ng alkalde dahil sa kanyang tuloy-tuloy na suporta at mga ginagawa upang tulungan ang kanyang administrasyon na nakabaon sa P17.8 billion pagkakautang na iniwan ni Isko Moreno.

Inihayag ni Lacuna na ang nasabing proyekto ay isang kongkretong katibayan na marami pa rin ang maaring magawa kung magtutulungan ang local at national officials, nang hindi kinakailangang mangutang ang lungsod.


Napag-alaman kay City Engineer Moises Alcantara na ang “Bagong Ospital ng Tondo” na magsisilbi sa mga residente ng ikalawang distrito ng Tondo ay magkakaroon ng operating room, male and female ward, pedia ward at hemodialysis room.

“Mas malaki, mas maraming maibibigay na serbisyo at mas maraming tao ang matutulungan ng ating itatayong bagong ospital,” paniniguro ni Lacuna.


Ipinahayag naman ni Valeriano sa kanyang mensahe ang kanyang tiwala na sa oras na natapos na ang konstruksyon ng bagong OsTon sa loob ng dalawang taon, siya, si Lacuna at Servo pa rin ang magpapasinaya nito.

Ayo pa kay Valeriano, na siya at ang iba pang nakaupong Manila Congressmen ay buong-buo ang suporta kay Lacuna at sa mga programa nito sa mga darating na taon patungo sa “Magnificent Manila in 2030.” Lima sa anim na Congressmen sa Manila ang tumatakbo sa ilalim ng Lacuna-Servo ticketf.


Dumalo din sa ginanap na groundbreaking sina Dr. Alvin Baetiong, OIC Hospital Director, ang second district Councilors, barangay officials at mga residente, kung saan sinabi ni Lacuna na: “Isa sa mga pangunahing inaasahan ng ating mamamayan sa ating pamahalaan ang mapangalagaan ang kanilang kalusugan, na mayroon silang madaling matakbuhan sa oras ng kanilang karamdaman, may mga doktor na makokonsulta at libreng gamot na maibibigay sa kanila.”

“Kaya’t bilang isang doktor na minsan ding nagsilbi sa OsTon at Tondo Health Center at ngayo’y napagtiwalaan ninyong maging punong lungsod, naging prayoridad natin ang programang pangkalusugan. Unang-una nating ginawa ay tiniyak natin na nasa ayos ang ating anim na ospital at 44 na health center,” dagdag pa ng alkalde.

Ipinagmalaki rin ni Lacuna na may mga gamot na ibinibigay sa mga nangangailangan nito at nangakong palalakasin pa ang kakayahan ng mga health centers ng lungsod para maging sentro ng pamamahagi ng mga libreng pangunahing serbisyong ukol sa kalusugan.

Mula nang maupo si Lacuna bilang alkalde, bilang doktor ay agad niyang pinaganda at pinalawig ang mga health centers upang makapagbigay na rin sa mga ito ng basic laboratory tests na tulad ng kumpletong blood chemistry o blood test. Ang iba ay ginawa nang “Super Health Centers” na nag-aalok ng mga serbisyo tulad ng x-ray, ECG at ultrasound nang sa gayon ay mabawasan na ang mahabang pila sa anim na district hospitals ng lungsod

“Pero di nangangahulugan na wala na munang gamutang mangyayari o gagawin ang mga kawani nitong Ospital ng Tondo. Mayroon tayo siyempreng inihahaing mga options upang makapagpatuloy pa rin ang lahat sa pagseserbisyo at yung mga regular na mga bumibisitang mga pasyente sa OsTon ay mabigyan ng alternatibong lugar na puwedeng puntahan,” pagtitiyak ni Lacuna.

“Anim naman itong ospital natin kaya sa tatlong pinaka-malapit dito natin sisikaping i-refer ang mga pasyente ng OsTon, tulad sa Gat Andres Bonifacio Medical Center sa Zaragosa/Del Pan, puwede rin sa Justice Jose Abad Santos General Hospital sa Numancia sa Binondo, o kaya naman sa Ospital ng Sampaloc sa Geronimo.” dagdag pa nito.

“Sandali lang naman at di lilipas ang dalawang taon ay mayroon na tayong bubuksang Bagong Ospital ng Tondo. Ito ay alay namin nila Congressman Rolan CRV Valeriano sa mga taga Distrito Dos. Kaya muli, maraming salamat Cong CRV sa inisyatibo mong mapaglaanan ng pondo ang pagpapatayo nitong bagong ospital dito sa iyong distrito,” pahayag pa ni Lacuna.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna, Mayor Honey Lacuna and Vice Mayor Yul Servo-Nieto

You May Also Like

Most Read