BUKOD sa paglalatag ng extra security ngayong Yuletide Season at sa pagsalubong ng Bagong Taon ay mas pinaigting ng Philippine National Police ang ground security nito, bunsod ng mga nakaambang kilos-protesta na may kaugyan sa bantang impeachment case laban kay VP Sara Duterte.
Una nang inihayag ng PNP na mas pahihigpitin ang seguridad sa mga security operations ng Pambansang Pulis ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon, subalit pinaghahandaan din ng PNP ang mga maaari pang ikasang rally na may kaugnayan sa nararanasang political tension sa bansa dala na rin ng impeachment cases na inihahain kontra kay Vice President Sara Duterte.
Sa inilabas na pahayag ni PNP Chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil, ang paghihigpit ng seguridad ay para umano sa kaligtasan ng publiko at upang maiwasan ang mga hindi inaasahang krimen sa lansangan.
Dagdag pa ng hepe sa kanyang pahayag, ito ay para rin umano sa mga planong rally ng ilang mga grupo sa nagpapatuloy na usapin sa impeachment cases kontra VP Sara.
Samantala, inihayag naman ni Assistant Director General Jonathan Malaya na sinasakyan din ng mga militanteng grupo at kanilang mga political parties ang nagaganap na political situation sa bansa para sa kanilang pansariling interes.
Nakikisawsaw umano ang mga militanteng grupo para makakuha ng ‘media mileage’ kaugnay sa magaganap na 2025 midterm election.
Maging ang umano’y panggugulo ng mga raliyista at pananakit sa hanay ng mga pulis ay politically-motivated para palabasin na may umiiral na kaguluhan sa bansa .
Maging ang kanilang pagkilos na suportahan ang paghahain ng impeachment complaints laban kay VP Sara ay pansariling interes para sa kanilang political propaganda, habang sinisiraan ang administrasyong Marcos na tutol sa nasabing hakbang laban sa pangalawang pangulo, ani Malaya.














