Natisod ng isang concerned citizen ang isang granada sa may riles ng Philippine National Railways (PNR) nitong Huwebes ng hapon sa Sampaloc, Maynila.
Ayon sa Manila Police District (MPD)-Police Station 4, alas-5:55 ng hapon nang madiskubre ang granada ng isang residente sa may PNR Railroad track sa Algeciras St. cor. Simoun St. sa Sampaloc at isinuko kay Barangay Kagawad Melliano Alfonso, 41.
Dinala naman ito ni Alfonso sa SIBAMA Police Community Precinct na siyang tumawag ng responde mula sa Explosive and Ordnance Division (EOD) ng MPD, para matiyak na hindi na puputok ang granada.
Inaalam naman ng pulisya kung sinadya ang pa-giwan ng granada sa riles o nalaglag lamang mula sa hindi nakikilalang suspek.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng EOD sa natagpuang granada. (Philip Reyes)