TATLONG kalalakihang bagets na pawang nasa Grade 12 ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District -Station 13 matapos ireklamo ng panggagahasa ng isang Grade 11 na babae sa Baseco, Port , Maynila nitong Lunes.
Napag-alaman kay MPD-PS 13 station commander P/Lt. Colonel Emmanuel Gomez na ang biktimang 16-anyos ay pormal na nagharap ng reklamo laban sa mga suspek na sina John Mark, 19; Mark, 18 at John Emil, 18, pawang Grade 12 at mga schoolmates ng biktima.
Diumano, naganap ang insidente ng panghahalay madaling araw noong Abril 7 sa bahay mismo ng isa sa mga suspek.
Bago niyan ay nakatanggap umano ng ‘chat’ ang biktima mula sa isa sa mga suspek na kaibigan niya sa Facebook at niyaya siyang pumunta sa bahay nito para mag-inuman, dakong alas-11 ng gabi.
Dakong alas-2 na ng madaling araw nang matapos umano ang kanilang inuman at dala ng kalasingan ay nakatulog ang biktima.
Gayunman, nagising umano ang biktima nang maramdaman na may humahalik sa kanya, habang may nakahawak sa kanyang mga kamay at doon ay halinhinan na siyang ginahasa ng tatlong suspek.
Nang makatulog na ang mga suspek ay tumakas ang biktima at nagtungo sa bahay ng isa niyang kaibigan kung saan siya pinuntahan ng kanyang ina.
Agad na sinamahan ng ina ang anak sa presinto para magreklamo.
Inaresto ng pulisya ang tatlong suspek sa isinagawang follow-up operation at sila ay kasalukuyang nakapiit sa MPD-PS13 habang inihahanda ang kasong ihahain sa kanila.