Sumuko sa mga awtoridad ang isang lalaking nanaksak at nakapatay sa sarili niyang kumpare habang nagpapakarga ng gasolina sa kanyang motorsiklo sa Tondo, Manila.
Kinilala ang suspek na si Ryan Jaztin Pablo, alyas ‘Balong,’ 32, Grab driver at residente ng Bagac St., Tondo.
Si Pablo ang itinuturong suspek sa pananaksak at pagpatay sa kanyang kaibigan at kumpareng si Frankie Aguilar, 39, residente rin ng naturang lugar, nang dahil umano sa selos.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong alas-10:30 ng gabi nitong Setyembre 9 nang sumuko ang suspek sa Alaminos Municipal Police Station, PRO 4-A matapos na mapag-alamang hinahanting na siya ng mga pulis.
Nauna rito, nabatid na dakong alas-8:20 ng gabi noong Setyembre 7 ay kasalukuyang nagpapakarga ang biktima ng gasolina ng kanyang motorsiklo sa Matang Tubig Street sa Tondo nang bigla na lang dumating ang suspek lulan rin ng motorsiklo at kaagad na sinaksak ang biktima.
Nakatakbo pa ang biktima ngunit hinabol ito ng suspek na patuloy pa rin siyang pinagsasaksak hanggang sa mapuruhan.
Tumakas ang suspek at nagtago sa Alaminos, Laguna ngunit napilitang sumuko matapos na makatanggap ng mga tawag at text mula sa kanyang mga kaanak sa Tondo, na pinaghahanap na siya ng mga pulis.
Nakipag-ugnayan umano ang suspek sa kaanak na si Kagawad Mexico Legaspi ng Brgy 1, Poblacion, Alaminos, na siyang nagsama sa kanya upang sumuko sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya, bago tuluyang itinurn-over sa MPD.
Ang suspek ay nakapiit at ipaghaharap sa piskalya ng kasong pagpatay.