Inatasan ng Supreme Court (SC) si Cagayan Governor Manuel Mamba at kanyang abogado na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat disiplinahin dahil sa ginawang pang- aabuso ng proseso ng korte.
Ito ay matapos siyang maghain ng petisyon sa SC at kalaunan ay nai- withdraw ito.
Sa inilabas na pahayag ng SC Public Information Office, isinaad ng mga Mahistrado na “require petitioner Manuel M. Mamba and his counsels, i.e., Macalintal Law Office, to show cause why they should not be disciplinarily dealt with or held in contempt for acts that constitute ‘abuse of or any unlawful interference with the processes or proceedings of a court not constituting direct contempt’ and/or ‘improper conduct tending, directly or indirectly, to impede, obstruct, or degrade the administration of justice’ within ten days from notice.”
Una nang na-contempt ng dalawang House panel si Mamba dahil sa pagkabigo nito na dumalo sa isinagawang imbestigasyon kaugnay sa iligal na paggastos ng kanyang provincial government noong 2022 elections.
Nag-apply at nakakuha naman ng temporary restraining order (TRO) sa SC si Mamba laban sa kautusan ng Kongreso noong Agosto 24.
Gayunman, ilang oras matapos na mag-isyu ng tro ang SC ay boluntaryo naman siyang sumuko sa Kongreso kung saan siya idinetine.
Pinalaya naman siya ng Kongreso matapos na lumagda ng “undertaking” na hihingi ng paumanhin sa hindi pagdalo; dadalo na rin sa mga susunod na pagdinig at hindi na pag-uusapan ang naturang House resolution sa labas ng Kongreso.
Nabatid na inatasan ng SC si Mamba at abogado na magpaliwanag bago aksyunan ang mosyon .
Sa ilalim ng Rule 71 ng Rules of Court, ang indirect contempt ay may kaparusahan na multang P30,000 o pagkabilanggo ng hindi tataas sa 6 na buwan.














