Goitia: Sa West Philippine Sea, Hindi Nire-rebrand ang Soberanya

By: Baby Cuevas

“Hindi ito usapin ng simpleng pagtulong. Ito ay pagtatangkang baguhin ang naratibo upang tabunan ang matagal nang rekord ng pananakot at panghihimasok.”

Ito ang inihayag ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia matapos inilabas ng Embahada ng Tsina sa Maynila ang ulat hinggil sa umano’y pagbibigay ng pagkain at tubig ng isang barko ng People’s Liberation Army Navy sa isang mangingisdang Pilipino, kasabay ng pahayag na may koordinasyon umano ito sa panig ng Pilipinas.


Aniya, ipinrisinta ito bilang makataong hakbang, ngunit malinaw na layunin nitong gawing katanggap-tanggap ang presensyang walang legal na batayan.

Nilinaw umano ng Philippine Coast Guard, sa pamamagitan ni PCG Commodore Jay Tarriela, na walang anumang paunang abiso mula sa People’s Liberation Army Navy at hindi rin palutang-lutang nang tatlong araw ang mangingisda dahil siya ay nakadaong sa payao at narekober sa loob ng wala pang 24 oras.

Ayon kay Goitia, pinakamahalaga na naganap ang insidente sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa Zambales, kung saan walang legal na batayan ang People’s Liberation Army Navy upang mag-operate.


“Kung walang hurisdiksyon, ang presensya ay paglabag kahit pa ito’y balutan ng makataong pananalita,” aniya.

Aniya, lnikilala ng Pilipinas ang makataong pagtulong, ngunit hindi ito maaaring gawing pahintulot sa iligal na presensya.




“Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea at ng 2016 Arbitral Award, malinaw ang karapatan ng Pilipinas. Ang pag-amin sa isang makataong hakbang ay hindi nangangahulugang pagbura sa patuloy na panggigipit sa West Philippine Sea.“Ang kabutihan ay hindi kapalit ng soberanya,” saad pa ni Goitia.

Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos,Jr., malinaw aniya ang tugon ng Pilipinas: batas at ebidensya, hindi propaganda. Sa halip na makipagpalitan ng ingay, inilalatag ng pamahalaan ang datos, oras at malinaw na legal na batayan.


“Hindi kailangang mag-ingay kapag malinaw ang katotohanan. Sa West Philippine Sea, hindi na ito simpleng usapin ng galaw ng mga barko. Isa itong tunggalian ng katotohanan at manipulasyon. At sa tunggaliang ito, kailangang manatiling malinaw ang isip, nagkakaisa ang bayan at matatag ang tindig ng Pilipinas,” pahayag ni Goitia.

“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., malinaw na iginuhit ang linyang ito. Pinili ng bansa ang tahimik ngunit matatag na pagtatanggol sa karapatan nito—nakaugat sa batas, ebidensya, at dignidad ng sambayanan. Hindi props ang ating karagatan,” pagtatapos ni Goitia. “Ito ay bahagi ng Republika, at ipagtatanggol bilang ganoon,” dagdag pa niya.



Tags: Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia

You May Also Like