Kusang-loob na humarap si House Majority Leader Sandro Marcos sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa mga alegasyong inilahad ni dating kongresista Zaldy Co tungkol sa umano’y budget insertions.
Mariing itinanggi ni Marcos ang mga paratang at tinawag itong walang batayan. Hindi siya itinuring na akusado at hindi rin nag-iisyu ng subpoena ang ICI, ngunit pinili pa rin niyang dumalo nang kusa upang direktang linawin ang usapin.
Nagpakita ng matibay na paninindigan si Sandro Marcos nang kusa siyang humarap sa ICI, hindi napilitan at ginawa ito dahil tungkulin niya ito bilang pinuno at lingkod bayan.
“Sa gitna ng mga pagdinig na madalas nauuwi sa ingay, nanatili siyang kalmado at maayos. Buong loob siyang nakipagtulungan at hiniling ang executive session upang manatili sa totoong isyu ang usapan at hindi mahaluan ng pulitika. Ang kusa nitong pagharap ay tunay na pagpapakita ng paggalang sa institusyon. Ang pananagutan ay tungkulin, hindi performance, ”ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.
Bilang House Majority Leader, hindi umano inatake ni Sandro Marcos ang proseso o nakipagsagutan online. Hinarap niya ang mga tanong kung saan ito nararapat at para kay Goitia, ito ang halimbawa ng tunay na paglilingkod bayan.
“Ang totoong lider, hinaharap ang usapin. Hindi nagtatago sa ingay o palusot,” at ani Goitia, sa gitna ng mga walang basehang paratang at pagtatangkang guluhin ang bansa, nanatiling kalmado ang Majority Leader na iginagalang ang proseso at hinayaan lamang magsalita ang katotohanan.
“Hindi nasusukat sa ingay ang tapang. Madalas, makikita ito sa tahimik na pagharap na may katapatan at malinis na konsensiya. Ang ginawa ng Majority Leader ay nagbigay ng linaw at kapanatagan sa halip na kalituhan. Ipinakita niyang ang pananagutan ay hindi dapat iwasan kundi buong tapang na hinaharap. Sa gawa nasusukat ang integridad. Hinarap ni Sandro Marcos ang mga tanong nang may dignidad at paggalang sa proseso. Dapat itong pahalagahan,” saad ni Goitia, na nagsabing nararapat lamang itong kilalanin.
Dagdag pa ni Goitia: “Pinalaki nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos ang kanilang anak na may malinaw na diwa ng tungkulin at paggalang sa serbisyo publiko. Makikita sa ipinakitang composure at dignidad ni Majority Leader Sandro Marcos sa ICI ang mga pagpapahalagang itinanim nila sa kanya. May dahilan silang ipagmalaki ang kanilang anak, at naniniwala akong higit pang lalago ang kanyang kakayahan bilang lider sa mga darating na panahon.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus civic- oriented organizations na Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement na pawang nagtataguyod ng katotohanan, katatagan at dangal ng sambayanang Pilipino.














