Sa isang social media post, ipinakita ni General Nicolas Torre III ang insidente sa jeep sa Las Piñas—kung saan may mga menor de edad na nanggulo sa mga pasahero—bilang patunay umano ng paghina ng seguridad. Ayon sa kanya, hindi sapat ang paliwanag at dapat managot ang mga lider.
Ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia, ” May punto siya tungkol sa pananagutan. Ngunit hindi ito dapat ibatay sa iisang insidente lamang, lalo na kung kulang ang konteksto. Oo, nangyari ang insidente. Nakababahala ito. Ngunit hindi ito pinabayaan—agad itong tinugunan ng mga awtoridad.”
Aniya, sa pamumuno ni PNP Chief, PGen.Jose Melencio Nartatez, Jr., mabilis at maayos ang naging aksyon ng kapulisan at natukoy ang mga sangkot at agad na naipasa sa tamang awtoridad habang ayon sa paunang ulat, walang nasaktan at nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Hindi ito kapalpakan. Ito ay patunay na epektibo ang sistema. Huwag nating ipagkamali ang isang sandali ng kaguluhan bilang pagbagsak ng kaayusan. Madaling maapektuhan ang pananaw ng publiko, lalo na kapag ang isang video ay paulit-ulit na kumakalat online. Ngunit ang isang insidente, gaano man ito kaseryoso, ay hindi sapat upang sukatin ang kabuuang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa bansa,” ayon pa kay Chairman Goitia.
Dagdag pa niya na ‘ang ganitong pagtingin ay hindi lamang simpleng pag-aalala, kundi isang konklusyon na kulang sa konteksto. Ang pagbabase sa iisang insidente upang sabihing bumagsak ang kaayusan ay hindi pananagutan, kundi maling interpretasyon na maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko. Ang isang bansa ay hindi nasusukat sa kawalan ng insidente, kundi sa husay ng pagtugon nito sa mga ganitong sitwasyon.”
Binanggit umano ni Torre ang usapin ng liderato, pati ang posibilidad ng pagbibitiw kung hindi matiyak ang seguridad at dahil mabigat na pahayag ito, kaya nararapat lamang na ito ay iharap nang may patas at maingat na pagtingin.
Ayon kay Goitia, ang tunay na pananagutan ay nakabatay sa katotohanan, hindi sa piling galit lamang.
“Patuloy ang ginagawa ng PNP sa ilalim ni Chief Nartatez—pinapalakas ang presensya ng pulisya, isinasagawa ang tuloy-tuloy na operasyon laban sa krimen, at pinaiigting ang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan. Ito ang tahimik ngunit tuloy-tuloy na gawain na nagpapanatili ng kaayusan sa mga komunidad. Maaaring hindi ito laging napapansin online, ngunit mahalaga ang mga ito,” dagdag pa niya.
Aniya, ang kapayapaan at kaayusan ay hindi pinananatili sa malalakas na salita, kundi sa disiplina, konsistensi, at tahimik na pagbabantay ng mga naglilingkod.
Mahalaga umano ang kritisismo sa isang malusog na demokrasya dahil nakakatulong ito sa pagpapabuti ng mga institusyon, ngunit kapag nawawala ang tamang balanse, nagiging sanhi ito ng takot sa halip na malinaw na pag-unawa at hindi umano iyon nakakatulong sa publiko.
Saad pa niya na hindi natin dapat hayaang mangibabaw ang takot dahil ang kapulisan, sa pamumuno ni Chief Nartatez, ay patuloy na kumikilos upang protektahan ang mamamayan at ang katotohanang ito ay hindi dapat binabalewala, kundi kinikilala nang may katarungan.
Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA, bukod pa sa iba.














