Wala umanong balak ang gobyerno na maghigpit sa borders sa mga dayuhan dahil may na-detect nang kaso ng monkeypox sa bansa.
Sinabi ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na sa halip, ang dapat na gawin ng gobyerno ay ipaalam sa mga biyahero na maari silang magkaroon ng monkeypox infection sa Pilipinas.
Ang pahayag ay ginawa ni Solante nang tanungin kung dapat bang.maghigpit sa Pilipino at dayuhang biyahero sa pagpasok sa bansa matapos na makumpirma na mayroon nang kaso ng monkeypox sa bansa.
Sinabi ni Solante na mas importanteng ideklara ng mga biyahero ang tunay na estado ng kanilang kalusugan.
“Ang tingin ko rito, hindi natin kailangan ng paghigpit. Ibig sabihin, hindi natin kailangang bawalan. Ang importante lang dito, ‘yung correct information, especially sa mga travelers na when they will be arriving, they can be infected also,”ayon kay Solante.
“Importante doon sa mga dumating, they need to report also kung meron silang mga symptoms, kung possible with monkeypox, they need to go to the doctor,” dagdag ni Solante.
Magugunitang kinumpirma ng Department of Health(DOH) na may tatlong kaso na ng monkeypox sa bansa. (Jantzen Tan)














