Latest News

GOBYERNO, DAPAT HUMIKAYAT NG MAS MARAMING INVESTORS

By: Victor Baldemor Ruiz

IMINUNGKAHI ng isang malaking grupo ng mga Filipino-Chinese businessmen na dapat na mas tutukan ng gobyerno ang pag-akit o paghikayat ng mga mamumuhunan mga mangangalakal at bigtime investors upang makalikha ng mas maraming trabaho, na maaaring maghatid ng mas mataas na suweldo para sa mga manggagawa.

Bahagi ito ng naging pahayag Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) president Dr. Cecilio Pedro kaugnay sa pagpapaunlad ng pamumuhunan sa bansa at sa isinusulong na wage increase para sa mga manggagawa.

“Ang mas maraming namumuhunan ay mangangahulugan ng mas maraming trabaho at habang tumataas ang demand para sa paggawa, maaari ring sumabay ang pagtaas ng sahod,” ani Dr. Pedro.


Sa kanyang talumpati sa isang briefing kamakailan ay sinabi ni Pedro na ang federation na may 170 Filipino Chinese chambers of commerce sa bansa, ay nagbigay ng mga imbitasyon sa mga kilalang dayuhang lider ng negosyo mula sa buong rehiyon ng Asia Pacific, na humihikayat sa kanila na palalimin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa bansa.

Sinabi pa ng FFCCCII President na dapat na maging prayoridad ng mga opisyal ng gobyerno at mga mambabatas ang pag-imbita ng mas maraming dayuhang negosyante na magtayo ng negosyo sa Pilipinas sa halip na itulak ang tinatawag na economic charter change o pagbabago ng ilang probisyon ng Saligang Batas.

Nabatid pa na nagpaabot na ng mga imbitasyon ang FFCCCII sa mga kapitbahay ng Pilipinas sa Asean tulad ng Singapore, Thailand, Malaysia, Indonesia, China, Hong Kong, South Korea, Japan at iba pa.

Sa pagdiriwang ng pitong dekada nito, sinabi ni Pedro na ang FFCCCII ay nangunguna sa pagpapasigla ng mga dayuhang pamumuhunan at pagtataguyod ng internasyonal na kalakalan, at pakikipagtulungan upang makinabang ang ekonomiya ng Pilipinas.


Tags: Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) president Dr. Cecilio Pedro

You May Also Like

Most Read