CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Tiniyak ni South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo Jr. na nakahanda ang kanyang liderato na tulungan ang mga nagbalik-loob na mga dating kasapi ng teroristang grupo.
Ito ang inihayag ng punong ehekutibo kasabay ng pagpresenta sa kanya sa pinakahuling miyembro ng komunistang grupo na sumuko sa nasabing lalawigan.
Mismong si Col. Andre Santos, pinuno ng 1st Mechanized Brigade katuwang si Lt. Col. Carlyleo Nagac, Battalion Commander ng 5th Special Forces Battalion ang nagprisinta kay alyas Jean, bitbit ang kanyang gamit pandigma, kay Gov. Tamayo.
Nakahanda ang pamunuan ng gobernador na tulungan ito sa kanyang mga pangangailangan kagaya ng panghanapbuhay, edukasyon, pagpapa-ospital at iba pa habang inihahanda siya sa kanyang pagbabagong buhay.
Sinabi naman ni Col. Santos na isailalim sa Enhanced comprehensive Integration Program (E-CLIP) ang 23-anyos na si alyas Jean.
“Hindi na nakapagpatuloy sa kanyang pag-aaral si alyas Jean matapos na maging biktima ng panlilinlang ng CTG ng anim na taon bilang medic, dito nilalason ang kanyang isipan upang labanan ang gobyerno, ni isa sa mga pangakong magandang buhay para sa kanya ay hindi natupad” pagbubulgar pa ni Col. Santos.
Dahil dito, lubos naman ang pasasalamat ni Major General Alex S Rillera, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central sa suporta ng mga lokal na opisyal at ng pamahalaang nasyunal sa paglaban kontra insurhensiya.
“Ang mainit na pagtanggap na iginawad sa mga dating miyembro ng komunistang terorista, rebeldeng grupo, at mga tagasuporta ng makakaliwa ay malinaw na patunay na seryoso ang administrasyon ni Pangulong Marcos para sa kapayapaan. Ipinapakita rin nito ang tunay na layunin ng gobyerno na palayain ang mga ito mula sa kanilang pagiging biktima ng maling ideolohiya at sirkumstansiya at itaguyod ang pagbabagong pangkalahatan sa ngalan ng pangmatagalang kapayapaan, pambansang pagkakaisa, at pagkakasundo”, pahayag pa ni Maj. Gen. Rillera.