PORMAL na hihingi ng approval mula sa International Criminal Court (ICC) si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla para payagan si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) na makapanumpa bilang opisyal na halal na Mayor ng Davao City sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay SILG Remulla, iginagalang ng kanilang kagawaran ang malinaw na mandato na ipinagkaloob ng mamamayan ng Davao City kay FPRRD subalit kailangan na makapanumpa ito para sa kanyang panunungkulan .
“Ang gagawin ko na lang ay magpapaalam ako sa ICC kung pwede pumunta ang consul natin para makapag-oath siya kasi kailangang mag-oath siya to assume office,” anang kalihim.
Magugunitang kinumpirma ng DILG na kikilalanin nila ang ‘validity’ ng oath of office ni Digong Duterte basta gagawin ito ayon sa provisions ng 1987 Constitution at ng umiiral na Philippine laws.
Sa ilalim ng kasalukuyang alituntunin, ang Philippine ambassadors at konsulado bilang mga presidential appointees na kinumpirma ng Commission on Appointments, ay authorized na mag-administer ng oath of office.
Si FPRRD ay prinoklama ‘in absentia’ ng Commission on Elections (COMELEC) matapos na nagwagi sa mayoral race sa Davao City, subalit kasalukuyan itong may kinakaharap na legal proceedings sa ICC sa The Hague.
“The DILG emphasized that should FPRRD be able to take his oath of office, his continued detention would render him both physically and legally incapable of performing the functions of a local chief executive. In such instances, the Vice Mayor will automatically assume the duties of Mayor, while the highest-ranking member of the Sangguniang Panlungsod will serve as Acting Vice Mayor, pursuant to Section 46 of the Local Government Code,” paliwanag ng DILG.














