PINALAGAN ni Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin ang akusasyon na malamya ang kanyang giyera kontra droga at iba pang krimen.
Ito ay matapos na mamatayan ng dalawang pulis na tinambangan matapos na magsagawa ng anti-illegal drug operation sa Pampanga.
Ayon kay Gen. Azurin, hindi malamya kung hindi sinusunod lamang ang rule of law sa kampanya kontra krimen ng Pambansang Pulisya. Sa paratang na na malambot ang PNP kung kaya’t namamayagpag na naman ang masasamang-loob at ang kalakaran ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon kay Azurin, sinisiguro lamang ng pulisya na nananaig ang batas at karapatang-pantao base na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Nilinaw ng opisyal na hindi naman kailangang palaging may mamatay sa bawat operasyon ng PNP gaya ng pagsamsam sa humigit-kumulang isang toneladang droga sa Maynila.
Napag-alamang nasa P9.9- bilyong halaga ng iba’t -ibang iligal na droga ang nakumpiska sa halos limang buwan ng administrasyong Marcos.
Nagresulta naman ito sa pagkaka-aresto ng 24,159 na illegal drug personalities mula July 1 hanggang November 24, 2022.
Ayon kay Interior Sec. Benhur Abalos, kabilang sa mga nasamsam na droga ay ang 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ?6.7 bilyon sa Tondo, Maynila..
Dagdag pa rito ang ?408 milyong halaga ng shabu sa Pampanga at ?173 milyon sa Quezon City .
Tiniyak ni Abalos na tuloy-tuloy ang gagawing mga anti-drug operation.
Giit ng kalihim, hindi lang nila layunin na mabawasan ang mga drug user kundi mapalakas din ang rehabilitasyon ng mga ito.
Umaasa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na susuportahan ng pamayanan ang kampanya ng gobyerno para matunton at mabuwag ang mga sindikato na nagpapakalat ng droga. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














