Ginebra Import Justin Brownlee pinagkalooban ng Filipino citizen

ISA nang Filipino citizen ang matagal nang import ng Barangay Ginebra na si Justin Brownlee.

Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas na nagbibigay ng pagkamamamayang Pilipino kay Brownlee noong Enero 12, na ang kopya nito ay inilabas sa media ni Senador Joel Villanueva.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11937, matatamasa ni Brownlee ang pagkamamamayan ng Pilipinas pagkatapos niyang manumpa ng katapatan sa Pilipinas at makakuha ng sertipiko ng naturalisasyon mula sa Bureau of Immigration.


Bilang naturalized Filipino citizen, maaaring sumali si Brownlee sa national basketball team.

Si Brownlee ay tinatayanng mapapasama sa Gilas Pilipinas sa mga susunod na international events tulad ng sixth at final window ng Fiba World Cup Asian Qualifiers sa February na idaraos sa Philippine Arena, kung saan makakalaban ng Pinoy players ang Lebanon at Jordan.

Sinabi rin ng Philippine Olympic Committee na posibleng pangunahan ni Brownlee ang men’s basketball team ng bansa para sa Southeast Asian Games sa Cambodia ngayong Mayo.

Si Brownlee, ipinanganak sa Georgia, United States, ay limang beses na kampeon sa PBA kasama ang Gin Kings at tatlong beses na nagwagi ng PBA Best Import award.


Kasama niya ang tubong-Ivory Coast na si Ange Kouame at NBA star na si Jordan Clarkson sa aktibong grupo ng mga naturalized na manlalaro ng Gilas Pilipinas.

Tags: Justin Brownlee

You May Also Like

Most Read