Ginang mula sa Cebu, tumama ng jackpot prize ng MegaLotto 6/45 via Lucky Pick

By: Baby Cuevas

Sa pamamagitan lamang ng Lucky Pick (LP), isang masuwerteng ginang mula sa Cebu City ang pinalad na manalo ng jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong nakaraang buwan.

Sa abiso ng PCSO nitong Martes, nabatid na makakahati ng ginang sa naturang P30,052,036.20 ang isa pang bettor na mula naman sa Sultan Kudarat, matapos na pareho nilang mahulaan ang six-digit winning combination na 04-34-02-28-42-20 ng MegaLotto 6/45 na binola noong Oktubre 25, 2023.

Ayon sa PCSO, nagtungo ang ginang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City noong Nobyembre 9, 2023, at kinubra ang kanyang premyo.


Kwento niya, 10 taon na siyang tumataya sa lotto at hindi niya akalaing sa pamamagitan pa ng Lucky Pick siya papalaring maka-jackpot.

“Isang LP naman ang tinaya ko! Ang katwiran ko, maliit man yan o malaking taya kung mananalo ka sa iyo. Finally after ten (10) years of trying nakatsamba din. That is the game of chance!” aniya pa.

Matapos umano niyang malaman na nanalo siya ay halos hindi siya makapagsalita sa sobrang tuwa.

Aniya, “Speechless at nanginginig talaga ako. At first hindi ako makapaniwala until I came here at naiabot na sa akin yung tseke ko dun ko lang naramdaman na totoo ngang nanalo ako.”


Nabatid na plano ng bagong lotto millionaire na i-invest ang napanalunan sa isang maliit na negosyo sa Cebu at sa edukasyon ng kanyang anak.

Nagpasalamat rin siya sa PCSO dahil sa maagang pamaskong natanggap.

“Thank you PCSO, kayo po ang naging daan para sa aking mga pangarap. Tiyak masaya ang pasko namin ng pamilya ko. Iingatan ko po itong mabuti para sa kinabukasan ng aking pamilya. Marami pa po sana kayong matulungan. God bless, PCSO!” aniya.

Sa kanyang panig, patuloy namang hinikayat ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na ipagpatuloy ang pagsuporta at pagtangkilik sa kanilang gaming products, kabilang ang Lotto at Small Town Lottery (STL), upang magkaroon na sila ng pagkakataong manalo ay makalilikom pa ng pondo para sa mga charity programs.


Tags: Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO)

You May Also Like

Most Read