Latest News

Generic medicines,tangkilikin – DOH

By: Jaymel Manuel

Hinimok ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang publiko na tangkilikin ang generic medicines dahil bukod sa mas mura ay kasing epektibo rin ito ng mga branded na gamot.

Ginawa ni DOH – Ilocos Regional Director Paula Paz Sydiongco ang panawagan sa kanyang talumpati nang dumalo sa pagbubukas ng two-day “Generics Awareness Month Celebration” kamakailan sa Provincial Farmers Livelihood Development Center sa Vigan City.

Ang event ay nilahukan ng mga pangulo ng Barangay Health Workers Federation at mga miyembro ng mga Drugstore Store Association of the Philippines (DSAP) – Ilocos Sur sa Ilocos Sur.


“Ang generic medicines ay mas mura kaysa sa mga branded na gamot at pareho lang sila ng kalidad at bisa. Mas makakatipid kayo sa inyong mga gamot kung ito ang inyong gagamitin. I have been using generic medicine for years now at ako na ang nagsasabi na it is safe, reliable and effective as the branded and expensive ones,” ani Sydiongco.

“Although hindi lahat ng branded na gamot ay may katumbas na generic medicine, dahil ang mga iba ay patent-protected at ito ay mabibili lamang sa mga kumpanyang naka-imbento nito and it usually becomes available only after the patent expires gaya ng mga bagong tuklas na mga gamot ngayon laban sa mga bagong sakit,”
dagdag ni Sydiongco.


Kaugnay nito, pinaalalahanan rin niya ang publiko na bumili lamang ng generic medicines sa mga FDA-registered na mga botika.

Nagpayo naman ni Assistant Regional Director Rodolfo Antonio M. Albornoz ang mga BHWs at DSAP members na suportahan ang pagsusumikap ng pamahalaan na isulong ang paggamit ng generic medicines.


Napag-alaman na ang Generic Awareness Month ay isinagawa bilang paggunita ng ika-35 anibersaryo ng pagkakapasa ng Generics Act of 1988 o Republic Act 6675, na nagsusulong sa paggawa ng sapat, abot-kaya at epektibong generic drugs para sa mga Pinoy.

Ang tema ng akitibidad ngayong taon ay “Kalusugan ay Palakasin, Generics Ating Tangkilikin.”

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read