ITINANGGI ng pamunuan ng Armed Forces of the PhilippineS na nagsasagawa ng loyalty check ang pinuno ng sandatahang lakas sa Davao region, ang lugar na pinaniniwalaang balwarte ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Napag-alaman na nagtungo lamang sa Davao si AFP chief of Staff General Romeo Brawner para personal silipin ang kondisyon ng nagpapatuloy na HADR operations at peace and security campaigns sa rehiyon.
Ginawa ni Brawner ang kanyang pahayag nang bisitahin nito ang mga tropa ng Eastern Mindanao Command at 10th Infantry Division ng Philippine Army na naka-base sa Davao, kung saan pinapurihan niya ang kasundaluhan sa kanilang mga isinagawang humanitarian mission sa Davao region.
Ayon kay Gen. Brawner kumpiyansa siya na nananatiling isang professional organization ang hukbong sandatahan lalo na ang mga bagong breed ng mga sundalo.
“I am not worried because I know that the new breed of soldiers are professionals. Let us remain united and loyal to the Constitution and the chain of command,” pahayag ni Gen. Brawner.
Ito ay sa likod ng pinalutang na planong paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas na pinangunahan ni dating Pangulong Duterte.
Muling pinaalalahanan ni Brawner ang mga kasundaluhan na panatilihin ang pagkakaisa, maging loyal sa Konstitusyon at sa chain-of-command.
Sinabihan din ni Brawner ang mga sundalo na maging mapagmatyag sa mga kalaban ng pamahalaan na layong makapasok sa iba’t -ibang sektor ng lipunan at hamunin ang AFP at ang pagkakaisa ng bansa.
Una na ring nagbabala ang National Security Council na nakahanda ang pamahalaan na gamitin ang buong pwersa nito sakaling may magtatangkang maglunsad ng pagkawatak-watak ng bansa.
Binigyang-diin ng AFP Chief na manatiling pokus sa trabaho dahil iisa lamang ang Pilipinas, isa lang ang ating bansa at hindi pwede itong hatiin.
Aniya, dapat maging proud tayo sa ating mga pamana, bilang at Pilipino ay mahalin natin ang Pilipinas.
“Focus lang tayo sa trabaho natin. Isa lang ang ating Pilipinas, isa lang ang ating bansa. Let us be proud of our heritage, let’s be proud of who we are as a people. Pilipino tayong lahat kaya mahalin natin ang ating bansa,” dagdag pa ni Brawer.
Magugunitang sina AFP chief Brawner at PNP chief General Benjamin Acorda, Jr., ay kapwa muling nagpahayag ng katapatan kay PBBM sa kabila ng mga ugong ng umano’y destabilisasyon laban sa pamahalaan.














