MATAPOS opisyal na maluklok bilang ika-31 Philippine National Police (PNP) chief ay agad na nagpatawag si PNP chief General Nicolas Torre III ng command conference.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Jean Fajardo, dumalo sa kanyang unang command conference ang mga kasapi ng command group at iba pang matataas na opisyal ng PNP kasama ang regional directors at hepe ng iba’t- ibang units.
Tinalakay sa command conference ang mga prayoridad na programa ni Torre para sa PNP bunsod na rin ng hamon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magsagawa ng mga pagbabago sa loob ng organisasyon .
Napag-usapan din sa pagpupulong kung paano mapapaigting ang kampanya laban sa kriminalidad at iligal na droga, maging ang mga kakaharaping hamon ng PNP hinggil sa transnational crime, cyber threats, extremist violence at police misconduct.
Matatandaang noong Lunes, sinabi ni Torre na tatlong ‘core pillars’ ang target niya sa PNP na kinabibilangan ng mabilis na public service, kasama ang ‘three- minute response time’, pagpapalakas ng disiplina at modernisasyon sa PNP.
Inaasahang pinaghahandaan din ng bagong pamunuan ng PNP ang pagharap sa mga high -profile cases na kinasasangkutan ng mga mataas at kilalang tao sa lipunan.
Sa kanyang unang media interview nang pormal na siyang nanungkulan bilang bagong PNP Director General ay binigyan ni Torre ng tagubilin ang kapulisan na ayusin ang serbisyo sa publiko at huwag pagpasa- pasahan ang mga taong lumalapit sa kanila kahit hindi nila ito nasasakupan.
“Ayaw ko silang pinagpapasapasahan. When somebody goes to the station, lalabas ‘yan na naresolve ang kanyang problema. Hindi dapat sabihin sa kanya na ‘Ay, hindi po namin trabaho ‘yan, pumunta kayo sa ganitong ahensya.’ Hindi ho pwede ‘yan,” ani Torre.
Samantala, pinag-aaralan din ng heneral ang police operation ng mga Police Community Precincts at haba ng oras na dapat nakatalaga ang mga pulis para magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin.














