Latest News

GEN. DURANTE, MAHAHARAP SA MILITARY CHARGES MATAPOS MADAWIT SA PAGKAMATAY NG MODEL

TINIYAK ng pamunuan ng Philippine Army na mahaharap sa military charges si dating Presidential security group Chief at Army 1001st Brigade Commander Brig. General Jesus Durante III at gayundin ang kaniyang Deputy na si Col. Michael Licyayo dahil sa pagkakadawit ng mga ito sa pagpatay sa Davao model at businesswoman na si Yvonette Chua Plaza.

Ito ay sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na pre-trial investigation ng mga kinauukulan hinggil sa naturang kaso.

Una nang inihayag na posibleng sumalang sa court martial proceedings ang mga inakusahang military officers kasabay ng gagawing civil proceedings


Ayon kay Philippine Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner, Jr., kasalukuyan nang binubusisi ng provost marshal at judge advocate ng army ang mga isinumiteng counter -affidavit ng dalawa, matapos silang mabigyan ng kopya ng naturang mga charges.

Sinabi pa ni LtGen. Brawner na paglabag sa Article 96 o “conduct unbecoming of an officer and a gentleman” at Article 97 o ang “conduct prejudicial to good order and military discipline” ng Articles of War ang mga kasong maaaring kaharapin nina Durante base sa magiging resulta ng isinasagawa nilang pre-trial investigation.


Kung maaalala, una nang tinukoy ng pulisya ang pagkakasangkot ng pangalan ni Durante bilang mastermind umano sa likod ng pagpatay kay Plaza.

Sa ngayon ay nananatili pa rin sa kustodiya ng Philippine Army sina Durante at Licyayo, habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang kaso, habang hawak naman ng PNP ang ilan sa mga sundalo umanong sangkot sa nasabing kaso. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: Brigade Commander Brig. General Jesus Durante III

You May Also Like

Most Read