Inihayag ni Armed Forces of the Philippine chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. na nagpahayag ng kahandaan ang Estados Unidos na sumuporta sa regular na isinasagawang rotation and resupply mission ng tropa ng mga militar sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Gen Brawner Jr. bahagya nilang natalakay ito kasunod ng kaniyang phonecall meeting sa kanyang counterpart na si United States Chairman of the Joint Chiefs of Staff General Charles Brown Jr.
Nabatid na tinawagan ni JCSG Charles Brown matapos na kumalat ang balitang kasama si Gen Brawner sa resupply mission at nasaksihan nito at personal na naranasan ang ginawang pambobomba ng China sa barko ng Pilipinas.
Ibinahagi ni Gen. Brawner na nakapaloob sa kanilang maikling pag-uusap ang pinakahuling magkasunod na insidente ng pambobomba ng tubig ng China sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc at Ayungin shoal nitong nakalipas na weekend.
Subalit agad ding nilinaw ni Brawner na ang pagsuporta na ito ng Amerika sa Pilipinas ay hindi sa pamamagitan ng pag e-escort sa mga barko ng ating bansa, at bagkus ay sa pamamagitan aniya ng pagbibigay ng impormasyon tuwing nagsasagawa ang Pilipinas ng resupply mission.
Kung maaalala, una nang sinabi ni AFP chief Brawner na sa kabila ng mas agresibong mga aksyon ng China sa West Philippine Sea ay hindi pa rin kinakailangan muling i-invoke ang mutual defense treaty ng Pilipinas at Estados Unidos dahil maaari lamang itong igiit sakaling magkakaroon ng armadong pag-atake sa mga barko ng Pilipinas.
Samantala pabor din si Brawner sa sinusulong na panukala sa mataas na kapulungan na kailangan maging reservist ang mga Pilipinong nagmamay ari ng baril .














