KASABAY ng nakatakdang pagreretiro ngayong Lunes sa serbisyo ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rodolfo Azurin, Jr., ay maiiwan din ang responsibilidad sa paglilinis ng PNP organization laban sa mga tinaguriang ‘ninja cops’ at mga mga opisyal na sinasabing sangkot sa kalakalan ng iligal na droga .
Sinasabing umaasa ang magre-retiro na si PNP Chief Azurin na ipagpapatuloy ng susunod na hepe ng Pambansang Pulis ang paglilinis sa hanay ng PNP.
Ayon kay Azurin, hindi pa niya alam kung sino ang hihirangin ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na kahalili niya .
Nabatid na nakapag-sumite na ang National Police Commission (NAPOLCOM) ng ‘shortlist’ ng mga posibleng ipapalit kay Azurin bilang pinuno ng PNP.
Pahayag pa ng heneral, may mga naririnig lamang siya at nababasang mga pangalan na posibleng humalili sa kanya sa media .
“I think the NAPOLCOM has already submitted ‘yung shortlist but I’m not aware who are the candidates,” dagdag pa ng outgoing PNP chief.
Kung matutuloy ngayong Lunes ang palitan ng liderato ay nakatakdang ganapin ang change-of-command at retirement honors ceremony para kay Gen. Azurin sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City.
Dito magwawakas ang siyam na buwan na pamumuno ni Azurin bilang pinuno ng 220,000-strong police force na nabahiran ng samut-saring kontrobersya, kabilang na ang umano’y tangkang ‘coverup’ o pagtatakip sa P6.7-billion drug bust sa Tondo, Maynila.
Ang hindi pa nareresolbang usapin ay hinggil sa tangka umanong pagkupit ng ilang pulis sa may 42 kilo ng shabu mula sa nahuling 990 kilos ng droga na nasa pag-iingat ng nakakulong ngayon na si Sgt. Rodolfo Mayo, Jr. na isang tauhan ng PNP-Police Drug Enforcement Group.
Papalitan na si Azurin subalit hindi pa rin alam umano kung saan kinuha o sino ang supplier ni Sgt Rodolfo Mayo ng halos isang toneladang shabu.
Aminado ang heneral na maituturing niyang ‘roller coaster’ ang ginampanan niyang tungkulin dahil may mga pagkakataon na ‘down’ siya at ito ay dala ng pagkakadiskubre na mayroong “anay” sa kanilang hanay.
Gayunman, naniniwala umano ang opisyal na may maganda ring nangyari sa pagkatuklas sa mga ‘ninja cop’ dahil ito aniya ang panimula para malantad ang iba pang kahalintulad ng na-dismiss na si Mayo at wakasan ang iligal na gawain ng ilang tiwaling pulis.
Kahapon ( Abril 23, 2023) ay ginawaran ng Philippine National Police Academy (PNPA) ng Testimonial Parade and Review si Azurin.
Una rito ay ginawaran din ng testimonial parade at arrival honors si Azurin ng Philippine Military Academy (PMA) sa Fort del Pilar sa Baguio City.
Nabatid na ang testimonial parade ay iginawad kay Gen Azurin, miyembro ng PMA Makatao Class of 1989, bilang isang kapita- pitagang PMA alumnus na magre-retiro sa serbisyo.
Marami naman ang umaasa na kasunod ng pagpapalit ng liderato sa Pambansang Pulis ay matapos na rin ng PNP ang pagsala sa mga opisyal na nagsumite ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng internal cleansing na ginagawa sa organisasyon at mapapasimulan na ang imbestigasyon sa mga mapapatunayang sangkot sa katiwalian.