NEGATIBO si Philippine National Police Chief General Benjamin Acorda Jr. at 88 iba ang senior police officer sa traces ng mga ipinagbabawal na droga matapos silang isalang sa on-the-spot drug test sa loob mismo ng Camp Crame sa Quezon City.
Sinasabing bahagi ito ng kanilang isinasagawang internal cleansing sa kanilang hanay.
Ang unannounced, on-the-spot drug testing ay bahagi ng command conference na dinaluhan ng 89 na matataas na opisyal ng PNP Command Group, Directorial Staff, Regional Directors, at National Support Unit Directors.
Nabatid na pinangunahan mismo ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda, Jr., ang pagsasagawa ng surprise drug testing noong Biyernes.
“This surprise drug test underscores the PNP’s unwavering commitment to maintaining the highest standards of professionalism and ethical conduct among its members,” ani Acorda.
Paglilinaw ng heneral , hindi lamang pagpapakita ng tamang kalusugan, physical fitness ng mga PNP commanders ang lumitaw na resulta ng drug testing kundi maging ang commitment ng pwersa ng pulisya sa integrity enhancement at cleansing sa kanilang rank, partikular na yung mga nasa command positions.
Batay sa resulta ng test na isinagawa ng PNP Forensic Group, negatibo sa droga ang lahat ng opisyal.
“It also serves as a clear message that the organization is resolute in its efforts to combat illegal drugs and ensure the integrity of its leadership,” dagdag pa niya.
Magugunitang may 25 pulis na ang nagpositibo sa confirmatory drug tests sa hanay ng kapulisan kamakailan kabilang na si dating Mandaluyong police chief Col. Cesar Gerente.
Sa 25 na nagpositibo sa confirmatory drug tests, walo na ang nas-dismiss, isa ang nag-resign, habang ang iba ay sumasailalim pa sa summary hearing proceedings.