Pinapurihan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga tauhan ng Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC), sa pangunguna ng direktor nitong si Dr. Ted Martin, dahil sa maraming pagbabagong ipinatupad sa nasabing ospital upang itaas ang standard o antas nito upang makapantay sa mga pribadong pagamutan.
Ayon kay Lacuna, na isa ring doktor, sa nakalipas na tatlong taon ay nagawang itaas ni Martin ang standard ng GABMC pagdating sa medical service at mga pasilidad.
“Sa loob ng tatlog taon, napakalaki ng pagbabago ng Gat. Bagamat isang pampublikong ospital, sinikap ng Gat na ayusin ang pamamalakad sa kaniang ospital, baguhin at taasan ang antas ng pagbibigay-serbisyo lalo na sa ating mga kababayan sa Tondo,” ani Lacuna.
“Masaya tayo na kahit isang public hospital ay napakarami nilang na-introduce gaya ng iba-ibang facilities na ginagamit na sadyang minsan, nakkita lang sa pribadong ospital,” dagdag pa ng alkalde.
Pinuri rin naman ng alkalde ang GABMC dahil sa pagsisilbi sa mahigit 400 dialysis patients kada araw, kasabay ng panawagan sa mga nagpapatakbo sa naturang pagamutan na huwag mapagod sa pagsisilbi sa mga kababayang may karamdaman, partikular na sa lungsod ng Maynila.
Samantala, ibinahagi naman ni Martin na ang GABMC, na nagdiwang ng ika- 27 anibersaryo noong Abril, ay ISO-certified at E-Konsulta accredited na din.
Binanggit din nito na sa kauna-unahang pagkakataon sa buong kasaysayan ng pagamutan ay ngayon lamang aniya naging fully-airconditioned ang emergency room at outpatient department ng GABMC.
“Di na tayo nahuhuli sa mga pribadong ospital… maalwan at maayos na nakakapagbigay- serbisyo sa isang mas maluwag na lugar para sa patients at gayundin sa staff,” saad ni Dr. Martin.
Idinagdag pa ni Dr. Martin na itinaas na rin ng Department of Health (DOH) ang estado ng GABMC dahil sa public health unit compliance nito, habang ang kanilang radiology department ay mayroon na rin ngayong makabagong digital x-ray.














