GABMC DIRECTOR DOC TED MARTIN, KARAPAT-DAPAT SA PAPURI NI MAYOR HONEY LACUNA

By: Jerry S. Tan

Una sa lahat, congratulations sa pamunuan at mga kawani ng Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) lalo na sa napakagaling at napakabuting Director nito na si Dr. Ted Martin, sa pagdiriwang nila ng kanilang ika-25 anibersaryo kailan lamang.

Pinapurihan at pinasalamatan ni Manila Mayor Honey Lacuna si Doc Ted at ang kanyang mga tauhan dahil sa walang humpay na pagdadala ng magaling na libre at de kalidad na serbisyong medikal lalo na para sa mahihirap na residente ng Unang Distrito ng Tondo.


Sa kanyang mensahe para sa GABM, pinuri din ni Mayor Honey sina Doc Ted dahil sa isa umano sila sa mga dahilan kung bakit tiyak na tiyak ang pagtahak ng pamahalaang-lungsod sa landas patungo sa ‘Magnificent Manila.’

Ikinagagalak din umano ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila kung gaano kagaling ang pagpapatakbo ni Doc Ted at mga tauhan ng GABMC ang Siojo Dialysis Center na nasa loob ng naturang ospital.

Ito ang pinakamalaking dialysis center sa buong Southeast Asia, kung saan ang mga pasyente ay hindi lamang binibigyan ng libreng dialysis kundi hatid-sundo pa sila sa kanilang mga bahay sa tuwing sumasailalim sa kanilang mga nakatakdang dialysis sessions.


Sa pagdiriwang ng GABMC ng silver anniversary nito, binuksan nina Mayor Honey at Doc Ted ang bagong infectious disease unit nito na gaya ng sa Sta. Ana Hospital na malaki ang nagawang tulong sa lungsod noong kasagsagan ng pandemya. Kaugnay ng pandemya ay pinuri at pinasalamatan din ni Mayor Honey ang mga bumubuo ng GABMC dahil sa aniya ay napakalaking ambag nila sa pagtatawid ng maraming mga kababayan, lalo na ng mga taga-Maynila mula sa pandemiya. Ayon pa sa alkalde, malaki ang papel na ginagampanan ng magagaling na nagpapatakbo ng GABMC para sa mas mabilis na pagkamit ng kanyang vision para sa isang ‘Magnificent Manila’ na magpapakita ng pinakamataas na antas at pamantayan pagdating sa pagdadala ng mga programa, serbisyo at proyekto ng lungsod.

“Hindi biro ang 25 taon para sa isang institusyon na ang ganap na layunin ay ang maghatid ng de kalidad na serbisyo medical para sa ating mga kababayan lalung lalo na sa Tondo. Marami na kayong napagdaanan at alam ko naman na pinagsikapan ninyong lahat na mapagtagumpayan,” anang alkalde.


Personal kong kilala si Doc Ted na unang humawak ng noon ay Justice Abad Santos Mother and Child Hospital sa Binondo sa panahon ni Mayor Fred Lim. Sa ilalim ng kanyang napakagaling na pamumuno ay naging General Hospital ang ngayon ay JASGH na.

Hindi lamang kilala bilang magaling na doctor si Doc Ted, may malaking puso rin ito para sa mga mahihirap at talaga namang de kalidad ang uri ng kanyang serbisyo at pati mga kinuha niyang kaagapay sa ospital na kanyang pinamumunuan. Isa siyang tunay na malaking asset sa pamahalaang-lungsod ng Maynila at karapat-dapat sa mga papuri iginawad ni Mayor Honey.


***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.



Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read