SINABI ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang pagsisimula ng full implementation ng drug price caps, base sa Executive Order (EO) No. 155 na nilagdaan ni Pang. Rodrigo Duterte.
Sa isang kalatas na inilabas nitong Huwebes, sinabi ni Duque na ang buong implementasyon ng price cap ay nagsimula kahapon, Miyerkules, Marso 23, 2022.
Ayon kay Duque, dahil dito, tumaas na ang bilang ng gamot na may maximum retail price sa 121 molecules o 204 formulations.
Matatandaang ipinatupad ang unang round ng price regulation noong Hunyo 2020 sa ilalim ng EO No. 104 na sakop naman ang nasa 84 na molecules.
Nabatid na sakop ng EO 155 ang mga pangunahing gamot sa bansa laban sa mataas na presyon ng dugo, diabetes, mataas na kolesterol, hika, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), at iba’t ibang uri ng kanser.
Kasama rin dito ang mga espesyal na gamot sa ‘chronic kidney disease, organ transplantation, thalassemia, psoriasis, rheumatoid arthritis, at lupus.’
Ipinaliwanag ng DOH na ang Maximum Drug Retail Price (MDRP) ang pinakamataas na presyo ng gamot na maaaring singilin ng isang retailer sa isang konsyumer.
Dahil dito, bababa umano ng 40% ang presyo ng gamot na maaaring umabot ng hanggang 93% sa ilang piling medisina.
Anang DOH, bukod sa MDRP, kailangan pa ring bigyan ng espesyal na diskuwento ang mga senior citizens at mga persons-with-disability (PWDs).
“No medicine under price regulation shall be sold to a customer at a price higher than the MDRP. On top of the MDRP, senior citizens and persons-with-disability (PWDs) are still eligible to avail of special discounts,” ayon pa sa DOH.
Dagdag pa ng DOH, ang mga lalabag sa MDRP ay papatawan ng administrative fines at penalties n amula P50,000 hanggang P5 milyon, alinsunod sa itinatakda ng Republic Act No. 9502 o ang Cheaper Medicines Act. (ANDOY RAPSING)