UMARANGKADA na ang full deployment ng mga tauhan ng Philippine National Police sa buong bansa bilang bahagi ng paghahanda para sa ligtas, tapat, at mapayapang halalan.
Target ng PNP base na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., “Zero Violence”.
Ayon kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, aabot sa 163,000 na mga pulis ang ipakakalat upang bantayan ang mga polling precincts, mahalagang pasilidad at iba pang lugar na may kaugnayan sa eleksyon.
Una rito ay inilagay ng PNP sa full alert status ang buong pwersa ng kapulisan sa buong bansa limang araw bago ang May 12 midterm election.
Layunin umano nito na makamit ang “zero violence” sa eleksyon, kasabay ng panawagang hayaan ang mamamayan na makaboto nang walang takot at pangamba.
Samantala, simula ngayong araw, Mayo 9 naman ang full implementasyon ng ‘Kontra Bigay’ campaign upang maiwasan ang mga maitatalang vote-buying habang papalapit ang midterm polls.
Ayon kay Gen. Marbil, nasa kritikal na yugto na ang preparasyon ng PNP. Binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng pulisya sa pagpapanatili ng maayos, mapayapa, at malinis na halalan.
Nabatid na may 35 lugar ang itinuturing na mga election hotspots o nasa ilalim ng red category or critical areas. Dalawa rito ang nasa ilalim na Commission on Elections control, ang bayan ng Datu Odin Sinsuat at Buluan, sa lalawigan ng Maguindanao.
Samantala nasa 136 areas ang nasa orange category, or areas of immediate concern dahil sa naitalang “ presence of serious armed threats “ o may history ng political unrest.
May kabuuang 370 lugar naman ang itinuturing areas of concern at sa nasabing bilang 197 rito ay nasa yellow category dahil may “presence of suspected election-related incidents, intense political rivalries, potential hiring of private armed groups, or politically motivated election-related incidents, or was declared under Comelec control before.”
Nilinaw rin ni Marbil na wala silang namo-monitor na seryosong banta sa seguridad ngayong halalan, ngunit 100% silang nakahandang rumesponde sa anumang posibleng kaguluhan o krimen na maaaring mangyari sa mismong araw ng botohan sa Lunes, Mayo 12.
Kamakalawa ay in-activate sa PNP General Headquarters sa Camp Crame ang kanilang National Media Action Centers na layuning matugunan sa mabilis na pamamaraan ang anuang election-related incidents.
Bukod dito ay nagtatag din ang PNP ng mga satellite offices sa mga police regional headquarters sa buong bansa .
Gamit ang 911 emergency hotline ay maaaring magsumbong o ituro ang anumang election-related incidents, kabilang ang vote-buying.
“Inatasan natin ang mga PIOs sa regional at provincial na magbigay ng pagtugon kaugnay sa ating mga related election incidents sa kanilang respective areas of responsibility,” ayon pa sa PNP.
“Ang PNP ina-assure ang mga magrereklamo na makakatiyak sila na mabibigyan sila ng kaukulang proteksyon at hinihikayat namin sila na huwag mag-alinlangan na i-report to kaagad sa PNP,” ayon pa sa opisyal.