Latest News

‘Free ride’ sa MRT tiyak dadagsain ng commuters

TINATAYANG aabot sa 400,000 pasahero kada araw ang daragsa kapag ipinatupad na ang mahigit isang buwan na libreng sakay sa MRT-3.

Ayon kay MRT General Manager Michael Capati, nakahanda umano sila sa na i-welcome ang pagdagsa ng mga pasahero sa libreng sakay mula Marso 28 hanggang Abril 30 ngayong taon.

Sa nakalipas na linggo, umaabot sa 248,000 ang mga sumasakay sa MRT sa isang araw at ang bilang na ito ay inaasahang tataas sa susunod na linggo kapag magpapatupad ng mas maluwag na travel rules sa ilalim ng Alert Level 1.

“Ngayon nagre-ready kami kasi libre. Syempre kapag libre, baka mas marami tayong ma-anticipate na pasahero,” pahayag ni Capati.

“Baka sumampa na tayo ng 300,000 to 400,000, assuming mag-normalize na ang ating sitwasyon sa pandemic. Ready naman po ang ating pasilidad, ang ating capacity, kaya nag-test na tayo ng 4-car train,” dagdag pa niya.

Nagpapalabas din ng 20 trains sets tuwing peak hours, kasama na ang dalawang 4-car train sets. Ang isang 4-car train set ay makapagsasakay ng mahigit 1,500 pasahero.

Sinabi pa ni Capati na dahil sumailalim sa rehabilitasyon ang mga train,
magiging mabilis biyahe kumpara noon.

Ang isang trip mula North Avenue Station patungo sa Taft Station ay nasa 40 hanggang 45 minuto na lamang mula sa higit isang oras noon, ani Capati.

“Ilalabas na po natin ang 4-car train CKD train sets. Ito po ay kayang magkarga ng 1,576 passengers per train set. Ito po ay idedeploy natin sa revenue line during morning at afternoon peak hours, aside po yan sa usual 3 [car] CKD train sets,” ayon pa kay Capati.

Gayunman, dahil sa ipatutupad na libreng sakay, malulugi ang MRT ng P80 milyon kada buwan, base sa P2.7 milyon na kinita nito noong Enero.

“Ang ating pasilidad ng MRT-3 ay meron naman po yang General Appropriations Act budget at doon natin kukunin ang subsidy niyan at yan po ay nakapaloob sa binigay sa atin ng Kongreso,” paliwanag ni Capati.

Ang MRT ay may nakalaang pondong P7 bilyon para sa taong ito. (SST)

Tags:

You May Also Like

Most Read