FORMER PNP CHIEF, ABSWELTO SA MAANOMALYANG ‘PNP CHOPPER DEAL’

By: Victor Baldemor Ruiz

PINAWALANG-SALA ng 7th Division ng Sandiganbayan si dating Philippine National Police (PNP) Chief General Jesus Verzosa at iba pang matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya kaugnay sa maanomalyang ‘PNP chopper deal’ na binili ng PNP noong 2009.

Inalis na rin ng anti-graft court ang hold-departure-order laban kay Retired General Verzosa at iba pang respondent na inabswelto at iniutos na maibalik ang inilagak nilang cash bonds.


Ito ay matapos na ibaba ng Sandiganbayan Seventh Division ang pagpapawalang- sala KAY Verzosa kaugnay sa maanomalyang pagbili ng second-hand helicopters ng PNP, kung saan Idinadawit ang pangalan ng noon ay First Gentleman Mike Arroyo.

Kabilang sa mga kapwa inabswelto ng Sandiganbayan sa kasong graft sina Police Deputy Director General Jefferson Soriano, Police Superintendent Roman Loreto, Police Director George Piano, Pol. Supt. Luis Saligumba, Pol. Supt. Job Nolan Antonio, Police Superintendent Edgar Paatan, Police Chief Inspector Maria Josefina Recometa, Police Superintendent Claudio Gaspar, Jr., SPO3 Ma. Linda Padojinog, PO3 Avensuel Go Dy at Ruben Gongona.

Samantala, limang kapwa akusado ang hinatulan naman na ‘guilty beyond reasonable doubt’. Ito ay sina P/Dir. Luizo Ticman, P/Dir. Ronald Roderos, P/Dir. Romeo Hilomen, P/Dir. Leocadio Santiago Jr. at Hilaro de Vera.


Sinentensyahan sila na makulong ng mula anim na taon hanggang walong taon bukod pa sa dagdag na parusa na habambuhay na bawal na magtrabaho sa gobyerno.

Inatasan ang limang respondents na magbayad ng civil liability na aabot sa P11,377,153.23 sa kada unit ng dalawang pre-owned Robinson R44 Raven I helicopters na may 6% interest per annum, habang si Police Director Ronald Roderos ay napatunayan rin na guilty sa kasong ‘falsification of public documents’ at hinatulan na makulong ng mula apat na taon hanggang walong taon.


Matatandaan na nag-ugat ang kaso sa umano’y secondhand helicopters na pag-aari ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo na ibinenta sa PNP, kung saan ipinasa umano ang mga ito bilang ‘brand new’.

Taong 2012 nang ideklara ng Office of the Ombudsman na nagdulot ng “undue injury” sa pamahalaan ang naturang deal na umabot sa P34.6 million.


Bilang pagtalima sa desisyon ng Supreme Court, taong 2022 ay ibinasura ng Sandiganbayan ang kasong graft laban kay Arroyo kaugnay sa naturang chopper deal.

Nabatid na tatlong brand new chopper sdapat ang binili ng PNP pero lumalabas na dalawa sa mga ito ay ‘second hand’ at mali ang specifications.

Base sa 357-pahinang decision ng mga mahistrado ng Sandiganbayan, absuwelto si Versoza maging sa iba pang mga dating opisyal ng PNP.



Tags: Philippine National Police (PNP) Chief General Jesus Verzosa

You May Also Like