Latest News

FORENSIC EVIDENCE SA SUV NA PINAGSAKAYAN NG NAWAWALANG BEAUTY QUEEN, PRINO-PROSESO NA

By: Victor Baldemor Ruiz

SINISIMULAN na ngayonG iproseso ng mga forensic experts ng Philippine National Police (PNP) ang mga hinihinalang forensic evidence na nakalap mula sa Honda CRV na sinasabing pinaglipatan sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.

Sa ulat, sinasabing may mga nadiskubreng hibla ng buhok at mga hinihinalang bahid ng dugo ang PNP Forensic group mula sa pulang CRV na sinasabing pinagsakyan kay Camilon.

Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, isinasailalim na ngayon sa proseso ng Regional Forensic group ang mga nakalap na forensic evidence.


Nabatid na nakikipag-ugnayan na rin ang CIDG Region 4-A sa pamilya ni Camilon upang makakuha ng DNA samples na pagkukumparahan sa mga nakolektang ebidensiya sa nasabing SUV.

Nasampahan na ng PNP-CIDG Regional Field Unit 4 sa Batangas Provincial prosecutors’ office ng kasong kidnapping at illegal detention sina Police Maj. Allan Avena de Castro, Jeffrey Ariola Magpantay at dalawang ‘John Does’ na sinasabing nasa likod ng pagkawala ni Camilon.


Sinasabing si De Castro ang umano’y katagpo ni Camilon bago siya iniulat na nawawala, base sa mga text message ng beauty queen sa kanyang kaibigan.

Nabatid na si Maj. De Castro ay una nang ni-relieve sa kanyang tungkulin sa Police Regional Office Calabarzon at isinailalim sa restrictive custody.


Sinabi pa ni Fajardo na si Magpantay ang kinilala ng mga testigo na nakitang naglipat ng duguang babae mula sa isang Nissan Juke patungo sa pulang CRV na una nang narekober ng pulisya noong nakaraang linggo sa Batangas City.

Ang pagkawala ni Camilon na kumakatawan sa Batangas sa Miss Grand Philippines 2023 pageant ay iniulat na nawawala noon pang October 12, 2023.

Tags: Catherine Camilon

You May Also Like

Most Read