INIHAYAG ng Philippine National Police na tuloy-tuloy ang isinasagawang follow-up operation kaugnay sa pinakamalaking bulto ng droga na nasabat ng mga awtoridad sa Alitagtag, Batangas kamakailan.
Ito ay makaraang makatakas umano ang isang Canadian national na hinihinalang may kaugnayan sa tangkang pagpupuslit ng may 1,424.253 kilograms ng high grade shabu.
Ayon sa ulat, sinalakay ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng PNP at Batangas Police ang nirerentahang bahay ng isang Canadian national na iniuugnay sa nasabat na ?9.6-B na iligal na droga.
Ayon sa PNP-Police Regional Office 4-A, ginanap ang operasyon kahapon ng madaling araw.
Armado ng search warrant na inilabas ng korte kaugnay sa paglabag sa RA 9165, o comprehensive dangerous drugs act, ay sinalakay ang tinutuluyan ng suspek sa Maya Maya Ocean Residences sa Brgy Natipuan, Nasugbu, Batangas.
Nagmula muna ang mga nasabat na droga sa Nasugbu subalit hindi natagpuan ng mga pulis ang nasabing suspek at wala rin umanong nakitang ebidensiya sa sinalakay na bahay kaya hindi pa rin tukoy ang partisipasyon ng banyaga sa nasabing drug haul.
Samantala, nasa kustodiya ngayon ng mga awtoridad ang isang yate na pinaniniwalaang pinaglagyan ng mahigit isang toneladang shabu bago ito tuluyang nasabat sa isang checkpoint.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, iniimbestigahan na sa kasalukuyan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naging papel ng yate sa pagta-transport ng ?9.6 bilyong halaga ng droga.
Sinasabing nanggaling ng Nasugbu, Batangas ang droga bago ito nasakote ng PNP.
Ani Marbil, may mga ‘person of interest’ pang sinusundan ang PNP at maging ang mga sasakyang posibleng nagamit sa pag-transport ng droga kaugnay sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng kapulisan.
Tiniyak ni Marbil na magiging ‘airtight’ ang kaso laban sa mga suspek habang tuloy-tuloy ang ginagawa nilang case buildup laban sa driver ng van at iba pang mga posibleng sangkot.