Ipinaalala kahapo ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na hanggang Marso 1, 2024 na lamang ang deadline ng mga BI-registered foreign nationals para gawin ang kanilang annual report.
Inihayag niya na ang mga dayuhang may hawak na immigrant at non-immigrant visas na inisyuhan ng alien certificate of registration identity card (ACR I-Card) ay dapat na magtungo sa kanilang tanggapan sa unang 60-araw ng taon para sa kanilang annual report, bilang pagtalima sa Alien Registration Act of 1950.
Sinabi ni Tansingco na maliban sa paglilipat ng annual reporting operations sa mas accessible na lokasyon, naglagay rin umano sila ng online portal para sa virtual reporting upang mapadali ang pagtalima dito ng mga foreign nationals.
Napag-alaman na kabilang sa mga requirements na itinatakda ng BI para sa annual reporting ay isang completely filled-out online registration na accessible sa pamamagitan ng e-services website ng BI.
Dapat rin umanong ipakita ng nagre-report na foreign nationals ang kanilang original valid ACR I-Card na may valid visas, gayundin ang kanilang balidong pasaporte.
Exempted naman sa pisikal na pagre-report sa BI ang mga foreign nationals na wala pang 14-taong gulang, yaong mga 60-taong gulang pataas, yaong mga mentally o physically incapacitated, mga buntis at dayuhang may medical conditions.
Ang physical Annual Report para sa BI head office ay isinasagawa sa 3rd Level Center Atrium, Robinsons Manila, at sa Government Service Express (GSE) Unit ng SM Mall of Asia, mula Lunes hanggang Biyernes, maliban sa araw ng holidays, sa pagitan ng alas-9:00 ng umaga at alas-6:00 ng gabi.
Bukod sa naturang mga malls, maaari rin namang magreport ang mga dayuhan sa mga BI offices nationwide.
“Virtual annual report for registered foreign nationals present in the Philippines during the annual report period may also be availed using the BI’s e-services platform at http://e-services.immigration.gov.ph.” dagdag pa ni Tansingco.














