Latest News

FOOD SECURITY PINANGANGAMBAHAN, MGA MAGSASAKA SA PILIPINAS PAUBOS NA

By: Victor Baldemor Ruiz

KUNG hindi masusuportahan at mabibigyan ng subsidiya ay nanganganib na tuluyan nang maubos ang mga magsasaka sa Pilipinas at halos lahat ng kakainin ng sambayanang Pilipino ay imported na o kakailanganin nang angkatin na mula sa mga kalapit- bansa, ayon kina Senator Imee Marcos at Panfilo Lacson.

Ayon kay Senadora Marcos , habang sinasabing lumiliit ang unemployment rate sa Pilipinas at dumadami ang trabaho ay nauubos naman ang mga magsasaka dahil karamihan sa kanila ay nangingibang bayan dahil sa kawalan ng tiyak na kita sa pagsasaka, bukod pa sa madalas na masalanta ng bagyo ang kanilang mga pananim.

Bukod din sa lumiliit na umanong mga sakahan sa kasalukuyan , ay wala na ring pumapalit sa mga tumatanda nating mga magsasaka dahil mas pinipili na ang paghahanapbuhay sa kalunsuran o ang pagiging OFWs.


Bunsod umano ito ng kawalan ng tamang suporta ng gobyerno sa mga magsasaka gaya ng subsidy at input gaya ng binhi at pataba.

Nakakatakot umano na baka abutin ng Pilipinas na halos lahat ng ating kakainin ay imported na , ani Marcos.


Lubha umanong nakakahiya na ang kalagayan ng agrikultura sa Pilipinas dahil sa labis- labis na pagdepende ng bansa sa importation at pinapayaman lamang umano nang husto ang mga magsasaka ng ibang bansa, ayon pa sa Senadora, kasunod ng ulat na inaasahang tataas pa sa susunod na taon ang rice importation.

“Importation is not the answer for food sufficiency sa Pilipinas,” ani Sen. Marcos, dahil pinapatay umano natin ang ating mga magsasaka.


“Importation is clearly not the answer , sinasamantala lamang tayo ng ibang bansa gaya ng India at Vietnam at iba pang bansa . Habang nakatutok umano ang gobyerno sa importation at ibinagsak pa natin ang taripa, pero nakapako na sa mataas ang presyo ng bigas habang pinapatay natin ang local produksyon”, anang senadora.

Tambak umano ang bigas sa Mindanao pero mahal ang halaga sa pagdadala nito, gayundin umano ang kalagayan sa Hilagang Luzon na nabubulok lamang ang kanilang ani dahil mahal ang transportasyon at hindi kayang makipagsabayan sa mga imported o smuggled agricultural products, kaya kung minsan ay itinatapon na lamang.

Panahon na umano para tulungan ang mga magsasaka, bigyan ng subsidiya gaya ng input at transport subsidy para maibagsak sa mababang presyo ang mga agricultural product na iniluluwas sa kalunsuran at kayaning makipagsabayan sa presyo ng mga imported products.

Tags: Panfilo Lacson, Senator Imee Marcos

You May Also Like

Most Read