HINIKAYAT muli ng Philippine National Police ang mga mamamahayag na may banta sa kanilang buhay na makipag-ugnayan sa local PNP-PIO sa kanilang mga lokalidad para mas mabilis maaksyunan.
Una nang naitalaga matapos na magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng PNP at Presidential Task Force on Media Security ang mga PNP Information Officers para magsisilbing focal person ng mga kasapi ng media..
Ang pahayag ay ginawa ni PNP spokesman Police Brig. Red Maranan kasunod ng naganap na pananambang kay Remate online photographer Joshua Abiad at kanyang pamilya noong nakaraang lingo na ikinasawi ng isang apat na taong gulang na paslit at ikinasugat ng limang iba pa.
Ayon kay Maranan, mayroon nang gumaganang Presidential Task Force in Media Security kung saan ang mga PNP Public Information Officers mula sa national, regional, provincial at local level ang nagsisilbing “focal person” na maaaring direktang pagsumbungan ng mga mamamahayag.
Kasunod nito ay inalerto ng liderato ng PNP ang lahat ng PNP Information Office chief na tumatayong mga focal person na makipag ugnayan sa mga mamamahayag upang matukoy kung sino sino ang mga may security threat.
Mas mabilis umanong maaksyunan ang mga “security concerns” ng media lalo na yung mga nakatanggap na ng death threat kung rekta silang dudulog sa Police Information Officer sa kanilang lokalidad.
Kaugnay nito ay hinikayat ni Maranan ang mga lokal na PIO na magtatag ng “open line of communication” sa mga lokal na press corps para madaling maiparating sa kanila ang concerns ng media.














